Dalawang Pinoy seafarer iniligtas ang kasamahang Koreano na nahulog sa dagat sa gitna ng malalakas na alon

  • Napabalita na dalawang Pinoy seafarer ang nagligtas sa kasamahan nila sa barko nang mahulog ito sa dagat dahil sa malalakas na alon
  • Agad na tumalon ang isang Pinoy upang masagip ang nahulog na Korean national
  • Nag-alok ng pabuyang pera ang sinagip na Korean ngunit snacks na lang ang tinanggap ng mga Pinoy

Maraming Pinoy ang nakababatid o  nakaranas na ng hirap na pinagdadaanan ng mga seafarer o iyong nagtatrabaho sa barko. Bukod sa nakahihilong mga alon, iba-iba rin ang bansa at lugar na kanilang pinupuntahan.

Imahe mula sa Philippine News Agency

Ngunit kahit mahirap ang buhay sa barko, hindi naman nakalilimutan ng mga Pinoy na mahalaga ang magtulungan ang mga magkakasama sa barko para na rin sa ikagiginhawa ng kanilang trabaho.

Kamakailan, napabalitang dalawang Pinoy seafarer ang hindi nagdalawang-isip na tulungan ang kasamahan nilang nahulog mula sa barko dahil na rin sa lakas ng alon.

Ayon sa ulat ng ABS-CBN News, ang dalawang Pinoy na ito ay kinilalang sina Vrose Santillan at Archiebald Espinar Canaria. Ang kanila umanong barko ay nasa Indonesia at kasalukuyang naka-angkla nang mahulog ang kasamahan nilang Korean national sa dagat.

Imahe mula Facebook

Ang kuwentong ito ay mula sa kapatid ng dalawang Pinoy na sina Earl Santillan Dotimas at Matet Canaria.

Nang mangyari ang aksidente ay tulog umano si Canaria nang tumunog ang alarm na nangangahulugang mayroong crew na aksidenteng nahulog sa barko.

Kahit galing sa tulog ay dali-dali umanong rumesponde si Canaria at nakitang naka-inflate na ang life vest ng Koreano.

Ngunit dahil sa lakas ng mga alon ay nahirapan ang mga crew ng barko at si Canaria sa pag-rescue, kaya naman naisipan na ni Santillan na tumalon na rin sa tubig at tulungan ang kasamahan.

Vrose Santillan (Imahe mula Facebook)

Ayon sa kapatid niyang si Earl, sanay umano si Santillan na mula Antique sa paglangoy, kaya rin siguro hindi na siya nagdalawang-isip na tulungan ang kasamahang nahulog.

Sa pagtutulungan ng dalawang Pinoy at iba pang crew, matagumpay na nasagip ang Korean national na nag-alok pa raw umano ng reward money kina Canaria at Santillan.

Ngunit hindi naman tinanggap ng dalawang Pinoy ang pera; bagkus, ang snacks na lang na inalok ng Koreano ang kanilang tinanggap. Nagpasalamat naman ang pamilya ng dalawa na ligtas sila at ang kasamahan nila sa barko.


Loading...
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!
%d bloggers like this: