Bakanteng bakuran sa Quezon City, ginagawang taniman ng mga prutas at gulay habang naka-community quarantine

  • Maraming Pinoy ang nakahiligang magtanim ng mga halaman, gulay, at prutas sa loob ng kanilang tahanan habang lockdown
  • Kapaki-pakinabang ang pagtatanim ng gulay lalo na sa panahon ng pandemya dahil maaaring dito kumuha ng mga makakain
  • Sa Quezon City, isang distrito na mayroong bakanteng bakuran ang ginawa itong urban garden na nagbigay benepisyo sa buong komunidad

Sa umpisa pa lang ng lockdown ay hinikayat na ng gobyerno ang mga Pinoy na magtanim ng mga gulay sa kanilang tahanan upang ito ang maging alternatibong pagkukunan ng makakain sa araw-araw.

Imahe mula sa Philippine News Agency

Lalo na sa mga taga-Maynila, marami ang nahirapang mamili sa palengke at grocery store dahil sa mga limitadong produkto. Dahil kasi sa striktong quarantine guidelines, maraming mga produkto mula sa probinsya ang hindi nai-deliver sa Maynila.

Ang ibang mga tagalungsod ay gumawa ng paraan upang makapagtanim kahit limitado ang lupa sa kanilang bakuran. Mayroong nagtanim sa mga paso at kalaunan ay tumubo at namunga rin naman.

Sa isang distrito sa Quezon City, hindi lang kada tahanan ang pagtatanim ng gulay kundi buong komunidad ang nagtulong-tulong upang matamnan ng mga gulay at prutas ang bakanteng lote sa kanilang lugar.

Imahe mula kay JC Tejano via Facebook

Sa Facebook post ng ABS-CBN News, ibinahagi nila ang kuwento ng isang lugar sa Quezon City na ginawang urban garden ang bakanteng lote na noong 1990’s pa hindi nagagalaw o napatatayuan ng bahay.

Isa si JC Tejano sa mga nanguna sa pagtatanim sa kanilang komunidad sa nasabing bakanteng lote. Kung noon ay halos lupa lang ang laman ng lote, ngayon ay mayaman na ito sa mga tanim na prutas at gulay.

Ayon kay Tejano, malaki ang naitulong ng pagtatanim ng urban garden sa kanilang komunidad, nakinabang ang lahat sa mga itinanim na gulay at prutas. “Habang nililinis namin naisip naming magtanim na rin,” ani Tejano.

Imahe mula kay JC Tejano via Facebook

“Kasi sakto, ayaw na naming mamalengke as much as possible given the pandemic. So ‘yan nag-set up kami ng garden,” dagdag pa niya.

Bukod sa hindi magastos ang pagtatanim ng mga gulay, napakalaking tulong din nito lalo na sa panahon ngayon na kailangan natin ang seguridad sa pagkain at mabuti rin ang mga gulay at prutas sa ating katawan upang lumakas ang ating immune system.


Loading...
Source :

Facebook

Do NOT follow this link or you will be banned from the site!
%d bloggers like this: