
- Bago nauso ang milk tea, sapat na ang isang baso ng soft drink noon sa mga Pilipino
- Bukod sa inuming ito na kumukumpleto sa meryenda, mas gusto rin daw itong iniinom ng iba sa nauso noon na “stainless” na baso
- Sa Facebook, binalikan ng marami ang mga panahon kung kailan para bang mas sumasarap ang soft drink kapag nasa “stainless” na baso
Bago nauso ang milk tea at iba pang mga patok na inumin, sapat na bilang meryenda ng mga Pilipino noon ang soft drink na may kapares na tinapay o biskwit.

Pero bukod sa inuming ito na kumukumpleto sa kanilang “merienda combo”, mas napapasarap daw ang kanilang simpleng “food trip” kapag ang soft drink na ito ay nakalagay sa minsang nauso na “stainless” na baso.
Sa Facebook, binalikan ng marami ang mga panahon kung kailan para bang mas sumasarap ang soft drink na kanilang iniinom kapag nakalagay ito sa “espesyal” nitong baso.
“Aminin n’yo, mas masarap ang Coca-Cola kapag nasa ‘stainless’ na baso. Hahaha!” natatawang sabi ng social media user na si Efraime Mallari matapos mag-upload ng litrato ng soft drink na nasa stainless na baso.
Sa comments section ng litrato, nagbahagi ng kanya-kanya nilang alaala ang mga Facebook user na ang mas gusto rin daw iniinom ang soft drink kapag nakalagay sa nasabing baso. Mayroon din nang-“mention” ng kanilang mga kapamilya at kakilala upang ipaalala ang mga panahong usong-uso pa at halos lahat ng bahay ay mayroong ganitong uri ng lalagyan ng inumin. Samantala, may mga gumagamit pa rin daw ng basong ito hanggang sa kasalukuyan.
As of posting, bukod sa daan-daang kumento ay nakakuha na ng lampas 23,000 reactions at mahigit 46,000 shares ang larawan ng Coke na nakalagay sa “stainless” na baso.

Kung ikaw ang tatanungin, mas masarap nga ba talaga ang soft drink kapag nakalagay sa “stainless” na baso?