Lalaki ibinida sa social media ang natanggap na electricity bill; caption sa kanyang post, kinaaliwan ng netizens

Imahe mula sa Facebook | JL Delossantos
  • Viral ngayon sa social media ang post ng isang lalaki tungkol sa natanggap niyang electricity bill
  • Biro niya kasi sa caption, wala raw dapat ipag-alala dahil lahat naman ay makatatanggap ng naturang ‘ayuda’
  • Makikita rin sa post na nagpakuha pa ang lalaki ng litrato kasama ang MERALCO staff na naghatid ng bill sa kanya

Isa sa mga iniisip ng mga Pinoy ngayon ay ang mga napipintong bayarin sa bahay. Bunsod kasi ng umiiral na enhanced community quarantine, siguradong magkakaroon ng pagbabago sa laki ng gastusin ng isang pamilya. Kabilang na rito ang bayarin natin sa kuryente, tubig, renta, internet connection, at iba pa.

Kaya bilang pagtugon at pagtulong sa publiko, nag-isyu ng payment extension ang iba’t ibang establisimyento at negosyo sa bansa. Ngunit sa kabila nito, hindi rin naman maiiwasan na sa paglipas ng panahon ay darating talaga ang deadline ng mga bayarin.

Sa katunayan, ilang kababayan na nga natin ang nakatanggap ng bills na inihatid mismo sa kani-kanilang mga bahay.

Imahe mula sa Facebook | JL Delossantos

Isa na rito ang netizen na si JL Delossantos na nag-upload ng kanyang litrato kasama ang MERALCO staff na naghatid ng bill sa kanilang bahay.

“Maraming salamat po sa bigay niyong ayuda. Wag pong mag alala kahit di nakalista magkakaron ng ganito bawat bahay!” biro ni JL sa caption.

Agad namang nag-viral ang naturang post at kasalukuyang lumilikom ng halos 40,000 shares at 15,000 reactions. Marami ring netizens ang naaliw at sumakay sa biro ni JL.

“Nando’n na po ang ayuda niyo kahapon pa. Ang bilis, grabe, natapos na sila agaran maglibot para iabot sa inyo. Kahit ‘di na kayo mag fill ng form automatic ‘yan pangalan [at] address niyo sa listahan,” komento ni May Love Joy.

“Ang masaklap na katotohanan… Pwede ba pass ako sa AYUDA na ‘yan?” sabi naman ni Beth Chan.

Public Domain Image

Gayunpaman, nilinaw naman ng MERALCO na maaaring i-check at bayaran ng publiko ang kanilang electricity bill sa pamamagitan ng pagtawag o pagpunta sa kanilang official website. Puwede niyo rin bisitahin ang kanilang official Facebook page para sa karagdagang impormasyon.