Kilalanin si “Cobibe”, ang balut na naging itik at ngayo’y isang instant pet na

  • Instant pet kung maituturing ni Maria Corina Venturanza ang balut na nakalimutan niyang lutuin at ngayo’y isang buwang gulang na itik na
  • Ikinuwento ni Maria kung paano niya kasalukuyang inaalagaan nang mabuti ang itik na pinangalanan niyang “Cobibe”
  • Dagdag pa ni Maria, nakatutulong din daw si Cobibe para palakasin ang loob niya sa gitna ng umiiral na COVID-19 pandemic

Naaalala n’yo pa ba ang balut na nakalimutang lutuin kaya tuluyang naging itik na? Siya si Cobibe na ngayo’y isang buwang gulang na at instant pet pa kung ituring ng kanyang mapagmahal na amo!

Imahe mula sa Twitter | @AlexVLapa

Matatandaan na noong Abril 2020, nag-viral ang isang post tungkol sa balut na naging bibe at ito’y nakarating sa 24 Oras kung saa’y ibinida ang pagsisimula ng kuwento ni Cobibe. Ayon kasi sa YouScooper na si Alex, nabili ng kanyang tita na si Maria Corina Venturanza ang balut mula sa suki nito pero dahil naging busy umano si Maria sa pag-disinfect ng bahay, hindi niya agad naluto ang balut hanggang sa nakalimutan na niya ito.

Kaya naman pagkalipas ng ilang araw, tuluyan na raw nag-mature ang itlog, napisa, at lumabas ang itik na pinangalanan niyang “Cobibe”.

Ngayon, isang buwan na ang nakalipas at kuwento ni Maria, masaya siyang inaalagan ang itik sa loob ng kanilang munting bahay. Balak din daw niyang iuwi ito sa Mindoro sa oras na payagan na ang pagbiyahe.

“Buhay ito, alangang itapon mo, alangan namang pabayaan mo mamamatay. Since balak naming umuwi ng Mindoro, sabi namin after the lockdown iuuwi na lang namin sa farm,” pahayag niya sa panibagong ulat ng 24 Oras.

“Cobibe”: Balut na nakalimutang kainin, naging ganap na bibe

Imahe mula sa Facebook | Maria Corina Enriquez Venturanza

Dagdag pa ni Maria, parang “pet” talaga kung ituring niya si Cobibe. Sa katunayan, ginawan nila ito ng malambot na tulugan, binibigyan ng masusustansyang pagkain, at hinehele pa kung kinakailangan.

Bukod pa rito, naging instrumento rin daw si Cobibe para ma-relax si Maria at kahit papaano’y mawala ang stress o anxiety ngayong umiiral ang COVID-19 pandemic.

“Kung wala ito siguro… nakakapraning eh. Ang feeling ko everytime na lumabas ako parang nagkaroon na ako ng virus, nagkaroon ako…nagkakaroon ako ng anxiety. Pero once na kasama mo na ito, nawawala na yung anxiety mo,” sabi niya.

Samantala, patuloy namang kinaaliwan ng libu-libong netizens si Cobibe. Isa rin daw itong paalala sa lahat na kahit may krisis o pandemya tayong kinahaharap, may naghihintay na bagong simula at pag-asa para sa atin.


Loading...
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!
%d bloggers like this: