‘Dahil sa nag-iinumang kapitbahay’: Kiray ibinahagi bakit mga luma ang kinakanta noon sa Munting Miss U

Images via Kiray Celis | Instagram
  • Tatlong taong gulang lamang ang aktres na si Kiray Celis nang sumali siya sa Munting Miss U
  • Sa kanyang Instagram account, ikinuwento ni Kiray kung bakit mga lumang kanta ang inaawit niya noon sa murang edad
  • Nakatatawa man daw isipin ngunit utang daw niya ang lahat sa mga nag-iinuman at nagvi-videoke sa lugar na dati nilang tinitirahan

Bago naging isang ganap na child star, sumali muna si Kiray Celis sa Munting Miss U ng MTB o Magandang Tanghali Bayan; kung saan kinagiliwan siya ng maraming manonood dahil sa kanyang pagiging bibo at sa pagkanta ng mga lumang kanta sa kabila ng murang edad.

Image captured from Instagram

Sa kanyang Instagram account, ikinuwento ni Kiray kung bakit mga lumang kanta ang inaawit niya noon sa nasabing patimpalak kahit na siya ay tatlong taong gulang pa lamang. Dito, binalikan ng aktres ang payak na simula ng kanyang karera sa mundo ng showbiz at sa tunay na buhay.

“Three years old ako noong sumali ako sa contest,” pagbabalik-tanaw niya. “Quando Quando, Il Mondo, The Way It Used to Be, Oh! Carol, Carmelita–ilan lang iyan sa mga nakabisado kong kanta noong three years old ako. Nagtataka ba kayo kung bakit luma iyong mga kinakanta ko?”

Nakatatawa man daw isipin ngunit utang daw niya ang lahat sa mga nag-iinuman at nagvi-videoke sa lugar na dati nilang tinitirahan.

“Sa araw-araw kasi na may nag-iinuman at nagvi-videoke sa labas ng bahay namin, lahat po ng kanta nila ay nakabisado ko na! Hahaha! Medyo funny pero totoo. Kaya salamat po sa mga lasinggero na kapitbahay namin, kayo po ang isa sa mga dahilan kung asan po ako ngayon,” aniya.

Ikinuwento rin ni Kiray ang mga totoong dahilan kaya sumali siya sa patimpalak.

“Ayaw ko na magtrabaho ang papa ko pabalik ng ibang bansa at para may pambayad kami sa renta ng inuupahan naming maliit na kuwarto,” pagbabahagi niya.

Image captured from Instagram

At ang mabubuting hangaring ito ng kanyang batang puso ang mga naging dahilan kaya ibinigay niya ang lahat ng kanyang makakaya — bagay na sinuklian naman ng pagmamahal ng mga manonood. Pagkatapos ng patimpalak, naging bahagi na siya ng MTB hanggang sa magtuloy-tuloy na ang kanyang showbiz career.