#AlmusalPack: Grupo ng mga galing sa hirap, tumutulong sa mga Pinoy na ‘di nakapag-aalmusal

Images via Mil Manguerra
  • Sa gitna ng krisis na dala ng COVID-19, ibinabalik ngayon ng isang grupo ng mga galing sa hirap ang biyayang kanilang natatanggap
  • Sinimulan ng “Yagit” ang programang “Almusal Pack” na naglalayong tumulong sa mga Pilipino na walang kakayahang bumili ng almusal
  • Ang laman ng bawat pack ay ang mga karaniwang bahagi ng almusal ng mga Pinoy; katulad ng tinapay, palaman sa tinapay, kape, powdered milk, at iba pa

Sa gitna ng krisis na dala ng COVID-19, lumalabas din ang mga taong may mabuting kalooban na handang tumulong sa abot ng kanilang makakaya.

Images via Mil Manguerra

Kabilang sa kanila ang Yagit; isang grupo ng magkakapitbahay na galing sa hirap at ngayon ay ibinabalik na sa kapwa ang mga biyayang kanilang natatanggap. Sa pamamagitan ng programang Almusal Pack, hinahanap ng grupong ito ang mga Pilipinong walang kakayahang bumili ng almusal o ang tinatawag na “most important meal of the day”.

“Ang Almusal Pack ay isang proyekto na nagsimula sa simpleng pag-uusap naming mga magkakapitbahay online. Nais talaga ng grupo namin na makatulong kahit sa simpleng paraan lamang,” kuwento ni Mil Manguerra sa panayam sa kanya ng Definitely Filpino.

“Noong nag-iisip kami kung ano ang maitutulong namin, napagdesisyunan namin na magbigay ng pang-almusal sa mga taong nangangailangan. Marami ang nakatatanggap ng de-lata at bigas pero mainam din na malamnan ang kanilang mga sikmura ng almusal bilang ito ang pinakamahalaga para magkaroon sila ng lakas sa araw-araw,” pagpapatuloy niya.

Ang laman ng bawat pack ay ang mga karaniwang bahagi ng almusal ng mga Pinoy; katulad ng tinapay, palaman sa tinapay, kape, powdered milk, at iba pa. Kasama ni Manguerra sa proyektong ito ang mga kapitbahay at malalapit na kaibigang sina Ruth Bigata, Nykuh Pasquito, Karen Malasa, Cristina Moscoso, at Lorenz Belarmino. Bukod sa kanila, mayroon na rin daw silang mga sponsor na nais din sumuporta sa mga mahihirap na kababayan at maging sa mga frontliner na hindi ganoon kalaki ang kinikita.

Images via Mil Manguerra

“Anim kami sa grupo na namahagi ng donasyon pero malaking porsyento ng nakalap naming pera ay galing sa mga sponsor. Hindi naging madali ang makahanap ng sponsors dahil halos lahat din ng ating mga kababayan ay nangangailangan din. Hindi rin biro ang mamili dahil sa ngayon ay pinagbabawal ang hoarding at kinakailangan din naming maglakad nang malayo papunta sa mga pamilihan,” pagbabahagi niya.

Gayunman, sulit naman daw ang lahat kapag napagtatanto nila ang naidudulot ng bawat pack sa mga simpleng mamamayan.

Sa mga nais magbigay ng donasyon, maaaring magpadala sa mga account na nasa ibaba. Maaari rin makipag-ugnayan kay Mil Manguerra sa pamamagitan ng Facebook.

Images via Mil Manguerra