
- Ipinasilip ni ABS-CBN reporter Jeff Canoy ang sitwasyon sa loob ng Kapamilya newsroom matapos mag-off air ang istasyon sa radyo at TV
- Sa isang tweet, nag-upload si Jeff ng video kung saan makikitang sabay-sabay na nagpalakpakan ang mga empleyado bilang pasasalamat at pagsaludo sa naging laban ng ABS-CBN
- Bumuhos naman ang suporta ng ilang netizens para sa lahat ng bumubuo sa Kapamilya network
Nabalot ng lungkot ang newsroom ng ABS-CBN matapos iere ng istasyon ang kanilang huling broadcast nitong ika-5 ng Mayo 2020. Alinsunod kasi sa inihain na Cease and Desist Order ng National Telecommunications Commission o NTC, kinakailangang itigil ng Kapamilya network ang lahat ng broadcast operations nito dahil sa pag-expire ng kanilang legislative franchise.

Bunsod nito, maraming empleyado sa kumpanya ang lubos na naapektuhan at hindi napigilang lumuha. Patunay dito ang ilang litrato na ibinahagi sa Twitter ng ABS-CBN reporter na si Jeff Canoy. Kuwento niya, talagang naging emosyonal daw ang gabing ito para sa mga empleyado sa loob ng newsroom.
“Emotional night in the ABS-CBN newsroom tonight. We can’t even hug each other,” pahayag ni Jeff sa isang tweet.
“Ang sakit sa puso na makita ang mga kasamahan ko sa trabaho na umiyak sa pagkawala sa ere ng ABS-CBN. Iiyak natin ngayong gabi. Bukas may laban pa. Di tayo pasisiil,” dagdag pa niya.
Bukod pa rito, nag-upload din ang reporter ng isang video kung saan ipinasilip niya ang sitwasyon sa loob ng newsroom matapos silang mag-off air sa radyo at TV. Makikita roon na sabay-sabay nagpalakpakan ang mga empleyado bilang pasasalamat at pagsaludo sa naging laban ng ABS-CBN.
Kasama rin nila noong mga saglit na iyon sina ABS-CBN President and CEO Carlo Katigbak at ABS-CBN News Chief Ging Reyes na siyang nagsulat ng “final words” para sa huling newscast.

“ABS-CBN News Chief @gingreyes hasn’t produced a newscast in over a decade. But we’ve heard epic stories of her days as EP of The World Tonight. Here she is, back in the producer’s chair for TV Patrol’s final newscast. The final words from the newscast were from her,” kwento ni Jeff sa isa pang tweet.
Agad ding nag-trending ang hashtag na #NoToABSCBNShutdown na sinabayan ng kaliwa’t kanang suporta ng ilang netizens at public figures.
“Bakit ginagawa ang ABS-CBN shutdown sa panahong humaharap tayo sa matinding krisis? Walang puwang sa panggigipit at pansariling interes sa panahong ganito. Dapat nagkakaisa tayo sa pagsiguro sa kaligtasan ng bawat Pilipino,” pahayag ni Vice President Leni Robredo.
“In this pandemic we need the media to tell us our country’s current situation. ABS-CBN has a wide reach in the Philippines, especially its regional networks,” komento naman ng isa pang Twitter user.
Samantala, sa isang pahayag, nagpasalamat naman si Katigbak sa suporta na natanggap ng ABS-CBN at sana raw ay patuloy silang samahan ng publiko sa laban na ito:
“Ipadama, isaad, at ipadinig po natin ang ating nararamdaman sa pagsasara ng ABS-CBN. Sa oras na ito, kami naman po ang humihingi ng inyong pagdamay. Maraming salamat po, mga Kapamilya.”