‘Napakahirap ngayong may COVID’: Ina emosyonal na humingi ng tulong para sa anak na naka-oxygen lang sa bahay

Images via Sharmane Joy Decena Camara
  • Naging emosyonal ang inang si Sharmane Joy Decena Camara nang humingi ng tulong para sa kanyang anak
  • Sa kasalukuyan, naka-oxygen lamang ang sanggol at inaalagaan sa simple nilang tahanan sa Laguna
  • Ibinahagi niya kung gaano kahirap gumawa ng paraan para sa kaligtasan ng kanilang supling ngayong mayroong krisis bunsod ng COVID-19

Sa isang simpleng tahanan sa Cabuyao, Laguna inaalagaan ngayon ng kanyang pamilya ang premature baby na si Rhianne Lee C. Nequinto; iniilawan lamang ng bombilya at nakadepende sa oxygen tank na nasa tabi niya. Ang kanyang situwasyon, mas pinalala pa ng krisis na dala ng COVID-19 at ng ipinatutupad na enhanced community quarantine (ECQ) sa kanilang probinsya.

Image via Sharmane Joy Decena Camara

Sa panayam ng Definitely Filipino, naging emosyonal ang inang si Sharmane Joy Decena Camara habang ibinabahagi ang kanilang situwasyon ngayong nasa panganib ang buhay ng bunsong anak niya na wala pang isang buwan.

“Premature po at naka-oxygen sa bahay,” aniya. “Kailangan po namin na maipa-checkup po talaga siya dahil po sa paggamit ng oxygen dahil sa nasa bahay po siya ngayon.  P400 plus P50 po if delivered po, kapag sa tricycle po P150 iyong sa oxygen ni Baby. Sa isang araw po, isang tank. Kailangang-kailangan po talaga ito ni baby dahil ito po ang tumutulong sa kanyang paghinga sa bawat segundo. Hanggang sa lumakas lang po siya at ma-develop ang baga niya para kayanin po niya na walang oxygen.”

Sa kasalukuyan, nahihirapan daw ang kanilang pamilya na gumawa ng paraan para sa kaligtasan ng kanilang supling dahil mayroong krisis bunsod ng COVID-19. Nahihirapan din daw silang maghanap ng suporta dahil sa ECQ.

“Nasa gitna po ng COVID crisis,” wika niya. “Napakahirap po dahil ang magagamit lang po namin ay social media o gamit ang cellphone dahil po sa hindi kami makagalaw nang maayos. Lalo na po at wala kami sa ngayon pinagkukuhanan ng panggastos dahil wala pong pasok ang aking live-in partner sa trabaho, paekstra-ekstra lamang po siya sa Lazada.”

Image via Sharmane Joy Decena Camara

Hiling ng ina, “Sana po ay makita po ng aking anak ang mundo at makita ko po siyang malusog at lumaki pa. Sana po ay maging instrumento kayo ni Lord para po makatulong sa amin. Mahal na mahal po namin siya pero wala na po talaga kaming magawang paraan para magkaroon ng perang pangsuporta.”

Sa mga nais tumulong sa pamilya, maaaring magpadala sa mga sumusunod na account:

Image via Facebook Messenger