Stay at home or stay inside? Kakaibang paraan para masunod ang curfew, viral sa social media

Imahe mula sa Facebook | Louella Castillo Gutierrez
  • Viral ngayon sa social media ang kakaibang istilo ng mga barangay tanod para mapasunod ang mga residente sa curfew
  • Habang rumoronda kasi, may dala-dala silang kabaong at nakabalandrang tarpaulin na may nakasulat na “stay home or stay inside”
  • Umani naman ng samu’t saring reaksyon mula sa netizens ang viral video na ito

Isa sa mga hakbangin upang mas mapaigting ang community quarantine ay ang pagpapatupad ng curfew sa iba’t ibang lungsod, bayan, at barangay. Kabilang din kasi ito sa mga inilatag na paraan ng gobyerno para masugpo ang pagkalat ng coronavirus disease o COVID-19.

Dahil dito, naging mahigpit ang lokal na pamahalaan sa mga napatunayang lumalabag sa curfew lalo na’t nais nila itong seryosohin ng mga residente. Pero sa isang barangay sa San Simon, Pampanga, nakaisip ng kakaibang istilo ang mga tanod para mapasunod ang mga residente sa curfew.

Imahe mula sa Facebook | Louella Castillo Gutierrez

Sa viral post na ibinahagi ng netizen na si Louella Castillo Gutierrez, makikita ang mga tanod sa kanilang barangay na rumoronda para hikayatin ang mga residente na manatili na lamang sa loob ng bahay. Kasabay din ng kanilang pag-iikot ay ang dala-dala nilang kabaong at tarpaulin na may nakasulat na “stay at home or stay inside”.

“Sa loob ng bahay o sa loob ng kabaong? Iba rin trip ng mga tanod dito hahahaha,” pahayag ni Louella sa caption ng kanyang post.

Samantala, sa loob lang ng halos labing-anim na oras, pumalo na agad sa mahigit 260,000 shares, 120,000 reactions, at 14,000 comments ang viral video. Umani rin ito ng samu’t saring reaksyon mula sa netizens.

Imahe mula sa Facebook | Louella Castillo Gutierrez

Tama yan para matakot ang mga matitigas na ulo at mga pasaway,” opinyon ni Nilda Antipasado Bagayas. “Yan ang dapat gawin sa mga lugar na [may] matitigas ang ulo, lumalaban sa mga opisyal na nagpapatupad ng batas,” komento rin ni Johandee Bayaca.

Ikaw? Ano sa tingin mo? Payag ka rin ba sa ganitong istilo para masunod ang curfew sa inyong barangay?