Pagkalipas ng 19 taon! Babae nagkaroon na ng pinangarap niyang Nickelodeon lunch box noon

Image via ‎El Shashima Reyes‎ | Facebook
  • Pagkalipas ng halos dalawang dekada, nagkaroon din sa wakas ng Nickelodeon lunch box ang babaeng pinangarap ang sikat na baunang ito simula sa pagkabata
  • Sa Facebook group na Ang Dekada 2000s, ibinahagi ni El Shashima Reyes kung paano siya nagkaroon nito
  • Bagama’t luma na ang hawak niya ay masayang-masaya pa rin daw siya; itatago ito at iingatan talaga

Bawat mag-aaral ay mayroong pinapangarap na gamit sa paaralan: magandang bag, notebooks na may litrato ng paborito nilang cartoon character, lunch box na uso, at iba pa. Gayunman, hindi lahat ay nabibigyan ng pagkakataong magmay-ari ng mga hinahangad nilang ito.

Image via ‎El Shashima Reyes‎ | Facebook

Ngunit sabi nga nila, may tamang panahon para sa lahat. Kung hindi pa oras, talagang hindi mapupunta sa iyo ang isang bagay gaano mo man ito hilingin at pangarapin–katulad na lamang ng dream lunch box ng netizen na si El Shashima Reyes, na nalipasan muna ng halos dalawang dekada bago napunta sa kanyang mga kamay.

Sa Facebook group na Ang Dekada 2000s, ibinahagi ni Reyes kung paano siya nagkaroon ng Nickelodeon lunch box, ang sikat na baunang hangad na niya simula noong bata. Bagama’t luma na ay masayang-masaya pa rin daw siya rito.

“Isa rin ba kayo sa mga nangarap ng ganitong lunch box? Ako kasi, oo, pero hindi ako nagkaroon. Sabi pa nila, rich kid lang daw nagkaroon ng ganito dati,” pagbabahagi ni Reyes.

“Year 2001 siya nilabas. Pangarap na pangarap ko talaga ito noon,” wika pa ng group member. “Sa wakas, after 19 years ay nagkaroon din ako! Ako, okay lang kahit luma. Lilinisin na lang at itatago. Nagtapon kase iyong tito ko ng mga laruan/isang bag pagpilian daw ng iba pang laruan pagbukas ko ng bag ayan una kong nakita kinuha ko kaagad. Ta’s ‘yong iba puros happy meal at saka isang sas kiddie meal lamang na maryoon.”

Image capture from Facebook