Netizen, ikinuwento ang kasalukuyang estado ng mga katutubo at magsasaka; nanawagan ng tulong para sa kanila

  • Nanawagan ang isang netizen na tulungan sana ng publiko ang mga katutubo at magsasaka lalo na ngayong umiiral ang community quarantine
  • Sa pamamagitan ng pag-upload ng litrato sa Facebook, inilahad niya ang nakakahabag na kalagayan ng mga ito
  • Agad namang nag-viral ang naturang post kaya nagpasalamat ang netizen sa lahat ng tumugon sa kanyang munting panawagan

Ngayong laganap pa rin ang coronavirus disease o COVID-19 sa Pilipinas, libu-libong mga Pinoy ang naging apektado ng community quarantine. Kabilang na rito ang mga katutubo nating kababayan pati ang mga magsasaka na umaasa lang sana sa kakaunting kita nila sa pag-aani at pagtatanim.

Ngunit dahil mahigpit na ipinagbabawal ang lumabas, hirap talaga sila na makahanap ng paraan para may makain. Kadalasan din nakatira ang mga ito sa liblib na lugar kaya bihira umanong makarating sa kanila ang relief packs at iba pang tulong mula sa lokal na pamahalaan.

Imahe mula sa Facebook | Lina Ng Sandiwa

Dahil dito, naisip ilahad ng netizen na si Lina Ng Sandiwa ang nakakahabag na kalagayan ng mga katutubo at magsasaka sa pamamagitan ng pag-upload ng kanilang larawan sa Facebook. Panawagan niya rin sa naturang post na sana’y tulungan sila ng publiko.

“Nakakaiyak! Magdamag akong hindi nakatulog dahil sa text ng mga katutubo at magsasaka… Wala na silang Maisaing! Lockdown din sila, puro Quarantine Pass lang daw ang ibinibigay sa kanila, wala naman silang pambili dahil hindi sila makapaghanap-buhay hinaharang din sila at ang kanilang produkto,” kuwento ni Lina.

Dagdag pa niya, mas hirap din daw ang kalagayan ng mga katutubo at magsasaka ngayon. Hindi rin daw kasi nakakarating sa kanila ang maliliit na pack ng bigas na ipinamimigay ng lokal na pamahalaan.

“Huwag natin silang kalimutan! Kapag ok na ang lahat… kapag tapos na ang lockdown… kapag pwede na ulit tayong magtulungan… pwede po ba tayong maghatid ng bigas sa mga kapatid nating katutubo at magsasaka?” hiling ni Lina.

Agad namang nag-viral ang naturang post at bumuhos ang suporta ng mga Pinoy na nais tumulong sa mga katutubo at magsasaka. Sa katunayan, ikinagulat nga raw ni Lina ang umaapaw na tugon sa kanyang munting panawagan.

Imahe mula sa Facebook | Lina Ng Sandiwa

“Ikinagulat ko ang nag-uumapaw na tugon ninyo sa panawagan ng tulong ng mga kapatid nating Dumagat at iba pang katutubo at magsasaka sa North Quezon. Tila umabot na ito ng mahigit 2,800 ng huli kong makita. Naisip ko na kung sakaling ang lahat ng numerong ito ay naging tig-isang kilong bigas, makakapamahagi tayo ng 56 sako ng bigas at matitiyak natin ang pagpawi ng gutom ng ating mga kapatid na katutubo hindi lamang sa North Quezon maging sa iba pang lugar,” saad ni Lina.

“Gusto ko sanang sabihing sapat na ang inyong mga tugon at sadyang nakatataba ng puso na malaman na patuloy na tumitibok ang ating mga puso para sa Pambansang Minorya. Maraming salamat po!”

Sa mga nais naman tumulong, nakalagay sa Facebook post ni Lina ang mga detalye tungkol dito . Maraming salamat po ulit sa inyong mga mabubuting puso!


Loading...
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!
%d bloggers like this: