“Lord, sana matapos na ‘to”: Panalangin ng mga medical staff sa isang ospital sa Pasig, umantig sa netizens

  • Dalangin ng mga medical staff sa isang pribadong ospital sa Pasig City na sana’y mawakasan na ang pagkalat ng coronavirus disease o COVID-19
  • Sa isang viral Facebook post, makikita ang mga magigiting na frontliners na taimtim na nagdarasal bago tuluyang sumabak sa kanilang trabaho
  • Marami namang netizens ang agad naantig nang makita ang larawan at sabay na nagpaabot ng lubos na pasasalamat para sa kanila

Sa loob lamang ng ilang linggo, nasaksihan ng sambayanang Pilipino ang paunti-unting pagtaas ng bilang ng mga kumpirmadong kaso ng coronavirus disease o COVID-19. Kasabay nito ay ang pagpapatupad ng mahigpit na community quarantine sa iba’t ibang lugar sa bansa. Pansamantala ring itinigil ang operasyon ng karamihan ng mga eskwelahan, negosyo, at establisimyento bilang pag-iingat sa sakit na ito.

Imahe mula sa Facebook | Steven Mari Cadiz

Ngunit para sa mga magigiting nating frontliners sa ospital, sa kabila ng pagkalat ng COVID-19 ay patuloy pa rin ang kanilang trabaho at serbisyo lalo na ngayong lubos silang kinakailangan ng publiko. Sa katunayan, itinuturing nga silang mga ‘bagong bayani’ ng lipunan dahil sa sakripisyong kanilang ginagawa para sa kapakanan ng iba.

At kaakibat ng mabigat na pasanin na kanilang dinadala, patuloy ang kanilang dasal na sana ay mawakasan na ang sakit na ito.

Sa Facebook post na inupload ni Steven Mari Cadiz, isang medical staff sa Emergency Department ng The Medical City sa Pasig, makikita ang litrato ng ilang frontliners habang sabay-sabay na nananalangin bago sumabak sa kanilang trabaho. Ito raw ang araw-araw na ‘scenario’ sa loob ng ospital.

Agad namang nag-viral ang naturang post at kasalukuyang humahakot ng mahigit 10,000 reactions at 9,100 shares. Ibinahagi rin ito ng ilan pang news media sites kaya mas dumami ang netizens na naantig matapos makita ang larawan.

Imahe mula sa Facebook | ABS-CBN News

“Sa lahat ng mga frontliners saludo ako sa inyo. Sa lahat ng mga nagbubuwis buhay para sa ikaliligtas ng lahat saludo ako sa inyo. Marapat lang na tayong mga nasa bahay, isabay natin sila sa mga kanya kanya nating pagdadasal. Lahat ito ay matatapos. Lahat tayo makakaahon. Ingat po tayong lahat mga kababayan,” pahayag ni Dan Perez.

“Words are not enough. Thank you everyone. We are praying with you in this battle. Keep safe and stay healthy,” saad din ni Marian Jann Cervales.

Muli, mag-ingat po kayo at maraming salamat sa inyong serbisyo. Saludo po kaming lahat sa inyo!


Loading...
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!
%d bloggers like this: