Libreng mga libro, alok ng isang lalaki sa mga taga-Marikina

Imahe mula sa Facebook | Gimo
  • Naisipan ng isang lalaki na mamahagi ng mga libreng libro sa mga residente ng Brgy. Parang, Marikina City
  • Layunin kasi niya na hikayatin ang mga taga-Marikina na magbasa at palawakin ang kanilang kaalaman tungkol sa iba’t ibang bagay
  • Swak din naman itong gawing libangan lalo na para sa mga residenteng pansamantalang nananatili sa kanilang bahay bilang pag-iwas sa coronavirus disease o COVID-19

Bilang pag-iingat laban sa coronavirus disease o COVID-19, inanunsyo ng iba’t ibang komunidad sa Metro Manila ang ilang hakbangin para masiguro ang kaligtasan ng kanilang mga residente. Isa na rito ang pagpapatupad ng community quarantine o ang paglilimita sa mga taong maaaring lumabas at pumasok sa isang lugar.

Dahil dito, karamihan tuloy sa mga residente ay nagpasya na lamang na manatili muna sa kani-kanilang bahay at sulitin ang oras para magpahinga.

Imahe mula sa Facebook | Gimo

Kaya naman sa Marikina City, isang lalaki ang nakaisip na gawing mas produktibo ang oras ng mga residente sa pamamagitan ng pamamahagi ng mga libreng libro. Tinawag itong “Project Li-Li” na pinamumunuan ni Reyes Mesiah, ayon sa Facebook post na ibinahagi ng kaibigan niyang si Gimo.

“Sa mga naka quarantine sa Marikina, at bored na bored na first day pa lang ng lockdown, daan kayo sa Paraluman street sa Brgy. Parang, namimigay ng libro si cyst Reyes Mesiah para hindi puro fake news ang inaatupag. Hahahahaha,” biro ni Gimo.

Sa ngayon, pumalo na sa mahigit 3,200 reactions at 3,100 shares ang naturang post. Dagdag pa nga ng netizen, puwede rin daw kunin ang mga libro, iuwi, basahin, o ‘di kaya ay ipamigay rin sa iba.

Imahe mula sa Facebook | Gimo

Samantala, ilang book lovers naman ang agad nagpahayag ng kanilang interes para kumuha ng libreng libro. Sa katunayan, tinag pa nila sa comments section ang kanilang mga kakilala para raw samahan silang magpunta roon.

Gayun pa man, patuloy pa ring hinihikayat ng lokal na pamahalaan ng Marikina na mag-ingat ang mga residente at unahin ang kanilang kaligtasan para maiwasan ang pagkakaroon ng COVID-19.