
- Kabilang ang pagtuntong ng Grade 4 sa mga kinasabikan ng mga nasa elementarya noon
- Sa Facebook, binalikan ng marami kung gaano sila nanabik na matapos na ang school year noong nasa Grade 3 sila dahil alam nila na marami ang magbabago pagtuntong nila ng Grade 4
- Isa sa mga inaabangan talaga nila noon ay ang paggamit ng ballpen bilang panulat
Maraming pagbabagong dumarating sa buhay ng mga estudyante: mayroong mga hindi inaakalang magaganap, mayroon din namang inaasahan na noon pa man.

Sa ilalim ng kategorya ng mga pagbabagong nakatakda na sa simula pa lamang, isa ang paggamit ng ballpen sa mga pinakakinasasabikan ng maraming mag-aaral.
Sa Facebook, binalikan ng mga “young once” ang mga sandali kung kailan hindi na sila makapaghintay pa na magpapalit ng school year para maging Grade 4 student na sila; kung saan mula sa lapis ay magiging ballpen na ang gamit nilang panulat.
“Naaalala ko. Iyong kuya ko kasi ahead lang sa akin ng isang baitang, Grade 3 ako tapos Grade 4 siya. Tapos kinalikot ko ang bag niya at nakita ko ang mga ballpen niya. Tapos ang mga notebook niya ay maliliit ang pagitan ng guhit. Hahahahaha! Kaya sabik ako mag-Grade 4, e,” kuwento ng social media user na si Aldrin Respicio .
“Tapos pag nagka-ballpen na, gusto mo lahat ng available na kulay sa store ay bibilhin mo,” pagbabalik-tanaw naman ni Clarie Rose Yabis. “Sosyal ka na kapag may black and blue na panulat tapos ipagmamayabang mo pa iyong red kapag exchange papers na at magche-check. Lakas maka-teacher din kasi ang peg kapag red ang kulay ng ballpen na gamit mo pang-check.”
Pag-aalaala naman ni Emz Valeriana Viray, “S’yempre dahil first time ko gumamit ng ballpen, palaging wala tinta. Hahahaha!”

Ikaw, nasabik ka rin bang makatungtong ng Grade 4? Ano ang pinakainabangan mo sa baitang na ito?