
- Isa ang Chocobot sa mga madalas binibili noon ng mga batang Pinoy sa tindahan noon
- Bukod sa masarap, madali ring nakuha ng chocolate-peanut bar na ito ang atensiyon ng mga paslit dahil sa Transformers-inspired na packaging nito
- Pagbabalik-tanaw ng mga “young once”, pagkatapos kainin ay nililinis nilang mga bata ang balot nito upang gawing bahagi ng kanilang koleksiyon
Sulit na sulit ang pera ng mga batang Pinoy noon sa popular na chocolate-peanut bar na Chocobot.

Bukod sa masarap, madaling nakuha nito ang atensiyon ng mga paslit dahil sa Transformers-inspired na packaging nito. Sa Facebook page na Kami ang Batang 90s, binalikan ng mga “young once” ang mga panahong dito nila ginagastos ang mga baryang ibinigay ng kanilang mga magulang at ang kanilang mga tirang baon sa paaralan.
Wika nila, pagkatapos kainin ay nililinis nilang mga bata ang balot nito upang gawing bahagi ng kanilang koleksiyon.
“Chocobot, my all-time favorite,” kumento ng social media user na si Bryan Lapido. “Iba kasi talaga ang lasa nito, e. Ito ang dahilan ng pagkaubos ng ngipin ko.”
“Mas masarap ito kaysa sa mga chocolate bar ngayon,” pagkukumpara ni Ariel Eijhi Zamora.
” Ito iyong sinasabi noon ng tindera na dapat maka-collect daw nito, 1 to 50 yata iyon, tapos kapag nakumpleto raw ay ipapalit ng robot. May number sa likod ng balot,” pagbabalik-tanaw ni Chester William Bañaria Morales II.
“Chocobot,” ani Gary Wisco. “Sulit na sulit bilhin ito noon, ang laki at ang taba kasi.”
Pagbabahagi naman ni Jardie Lester Serrano Lacap, “Iyong mga ganiyan ko noon kumpleto, tapos hindi ko kinakain hanggang sa nilanggam na lang.”

Ikaw, naabutan mo rin ba ang popular chocolate-peanut bar na ito? Nangolekta ka rin ba ng mga imahe ng robot na nasa balat nito? Ibahagi ang iyong mga kuwento sa comments section!