Nostalgia: Waterful Ring Toss, ang laruang pinasaya’t pinahirapan ka noong bata

Image via Batang Pinoy-Ngayon at Noon | Facebook
  • Isa ang Waterful Ring Toss sa mga laruang nagpasaya at nagpahirap noon sa mga bata
  • Naging popular noong 1990s, simple ngunit hindi maipagkakaila ang pagiging kumplikado ng paglalaro nito
  • Kailangan mong ipasok lahat ng rings sa mga poste ngunit, dahil nasa tubig, hindi maiiwasang matanggal pa ang mga naipasok mo na

Natatandaan mo ba ang isa sa mga popular na laruan noon na kung tawagin ay Waterful Ring Toss? Pinahirapan ka rin ba ng laruang ito? Nakararamdam ka rin ba ng tuwa sa tuwing nagagawa mong i-shoot ang lahat ng rings?

Image capture from Facebook

Hindi maikakaila na isa ang Waterful Ring Toss sa mga laruang nagpasaya at nagpahirap noon sa mga bata. Naging popular noong 1990s, simple ngunit hindi maipagkakaila ang pagiging kumplikado ng paglalaro nito. Kailangan mo munang ipasok lahat ng rings sa mga poste–ngunit dahil nga sa puno ng tubig ang laruan, hindi maiiwasang matanggal pa pati ang mga ring na naipasok na.

Gayunman, kahit mahirap laruin ay nag-enjoy pa rin daw ang mga “young once” sa mga ito, kaya naman hindi pa rin nila ito nakalilimutan hanggang ngayong matatanda na sila. Sa post ng Facebook page na Batang Pinoy-Ngayon at Noon, ibinahagi ng marami ang mga alaalang kakabit na ng laruang ito.

“Super relate!” kumento ng Facebook user na si Darling Alvarez Talingting. “Nakakainis iyong isa na lang ayaw pa ma-shoot.”

“Favorite ko itong laruan noon. Gigil na gigil ako kapipindot,” wika ni Josephine Olmedo-Asanion.

“Sobra,” pagbabahagi ni Analyn Azucena. “Iyong isa na lang tapos pag-press mo e sumama lahat at natanggal lahat tapos mag-uumpisa ka na naman.”

Kuwento naman ni Rizel Pedral, “Relate! ‘Yong tipong gigil na gigil ka na para lang mai-shoot lahat ng rings. Tapos kapag nagawa, pakiramdam natin naka-jackpot tayo sa Lotto.”

Image via AliExpress