Neri kay Chito: No’ng una tayong nagkita, alam kong hindi tayo para sa isa’t isa

  • Ibinahagi ng aktres na si Neri Naig kung paano niya minahal ang isang lalaki na sa una pa lamang ay alam na niya umanong hindi para sa kanya
  • Pagbabahagi niya, hindi niya nakita ang sarili noong una na mamahalin si Chito ngunit noong makilala niya ito nang lubos ay napagtanto niya na masuwerte ang babaeng mamahalin nito
  • Ngayong mayroon na silang sariling pamilya, labis daw na nagpapasalamat si Neri

Noong una, hindi raw nakikita ng aktres na si Neri Naig ang sarili na mamahalin ang Parokya ni Edgar vocalist na si Chito Miranda.

Image capture from Instagram

Pero nagbago raw ang lahat nang makilala niya nang lubusan ang sikat na musikero, na ngayon ay kanya nang katuwang bilang asawa at ama ng kanilang anak. Sa Instagram, ikinuwento ni Neri kung gaano niya ipinagpapasalamat na ito ang kanyang nakatuluyan.

“Naalala mo ba noong una tayong nagkita? From the very moment that I saw you, alam ko na hindi tayo para sa isa’t isa, haha!” natatawang saad ng aktres. “Pero lahat ay nagbago noong nakilala ko kung sino ang tunay na ikaw. Sinabi mo sa akin noon, kapag ikaw ang naging boyfriend ko, masuwerte ako. Tinawanan lang kita kase ang kapal ng mukha mo. Pero totoo pala na masuwerte ang babaeng mamahalin mo dahil marunong kang mag-alaga at magmahal.”

Aniya, hindi man palaging masaya ang kanilang mga araw ay palagi siyang pinakakalma ni Chito at tinitiyak nito na wala siyang dapat ipag-alala. Ipinahahayag din daw nito palagi ang pagmamahal nito sa kanya at ipinagmamalaking siya bilang asawa.

“Walang araw na hindi mo ako pinapatawa at walang araw din na hindi mo ako binubuwisit, haha! Pero kahit nasusungitan kita minsan, please huwag mong isipin na hindi kita mahal o nabawasan na ang pagmamahal ko sa ‘yo. Mahal na mahal kita, asawa ko. Magtatawanan at mag-aasaran tayo hanggang sa pagtanda natin. Aalagaan natin ang isa’t isa. Walang iwanan. I love you!” pangako ni Neri sa mister na nagdiwang ng ika-44 na kaarawan kamakailan.

Image capture from Instagram

Loading...
Source :

Instagram

Do NOT follow this link or you will be banned from the site!
%d bloggers like this: