Nathalie Hart sa dating asawa: We love each other pero bata pa siya; I want support, maturity

Image via Nathalie Hart | Instagram
  • Matapat na ibinahagi ng popular sexy drama actress na si Nathalie Hart ang kung bakit nauwi sa hiwalayan ang relasyon nila ng Indian husband na si Mayank Sharma 
  • Aniya, bukod sa cultural differences ay naging dahilan din ng mga hindi pagkakaunawaan nila ang pagiging mas bata nito sa kanya
  • Gayunman, masaya at matapang na hinaharap ni Nathalie ang lahat dahil sa inspirasyong mula sa anak 

Ibinahagi ng popular drama actress na si Nathalie Hart ang dahilan kung bakit nauwi sa hiwalayan ang relasyon nila ng Indian ex-husband na si Mayank Sharma.

Image via Viva Films | Instagram

Sa story conference ng upcoming film na Kunwari Mahal Kita, nakausap ng entertainment reporter na si Jojo Gabinete ng PEP ang aktres. Dito ay matapat umano niyang inamin ang mga naging dahilan ng hindi nila pagkakasundo ng dati niyang asawa.

“Cultural differences talaga, and then nag-aaral din ‘yong tatay ng anak ko. Tapos, bata pa siya. Bata siya sa akin two years, so iba ‘yong mentality. Parang I want more, but not in terms of mga bagay, I want support, ‘yong maturity. Wala pa roon, e, pero we do love each other,” wika ng aktres na makakasama sina Ryza Cenon at Joseph Marco sa ipalalabas na pelikula.

Samantala, bigo man sa pag-aasawa, isang malaking biyaya naman para kay Nathalie ang kanyang anak na si Penelope; na diumano’y nagbibigay sa kanya ng labis na tuwa ngayon.

Sa Instagram account ng aktres, kitang-kita kung gaano siya kasaya sa motherhood.

At sabi nga ng kanyang mga tagahanga, talaga namang karapat-dapat para kay Nathalie ang sayang ibinibigay sa kanya ngayon ng anak.

Pitong buwan pa lamang umano ang bata nang maghiwalay sila ni Mayank at hindi naging madali para sa kanya ang lahat lalo na at kasabay ng paggiging ina ay kinailangan din niyang pagtuunan ng karagdagang atensyon ang sarili dahil sa dinanas na depresyon.

Ngayon, lahat nang ito ay dinaanan na ng aktres na maituturing na isang “wonder mom”.

Image via Nathalie Hart | Instagram

Matatandaang hinangaan din noon ng marami si Nathalie nang ibahagi niya kung bakit mas pinili niyang magkaanak kaysa isantabi ang pagdadalantao para sa kanyang karera; na noon ay nasa kasagsagan nito matapos niyang patunayan na hindi lamang siya biniyayaan ng magandang mukha at katawan, kung hindi pati na rin ng talento sa pag-arte.

“Naisip ko, ‘Ready na ba ako?’ But I never thought, ‘Ay, magpapalaglag ako, dahil I’m going to save my career.’ No way! Hindi ko iisipin ‘yon. Mas gusto kong mawalan ako ng career, at ituloy ko na lang ‘to, kaysa naman one day, I would regret ‘yong ginawa ko,” she said. “Ganoon ako mag-isip. I don’t want that. Baka umiyak lang ako.”