
- Libu-libong migratory birds ang namataan sa isang fish pond sa Balanga City, Bataan
- Ayon kay Balanga Mayor Francis Garcia, umabot sa mahigit 14,000 ang bilang ng ibon sa lugar
- Kabilang na sa mga species ito ang Whiskered Terns, Little Egrets, at Great Egrets
Dinumog ng napakaraming migratory birds ang isang fish pond sa Balanga City, Bataan nitong Enero. Sa pamumuno ni Balanga Mayor Francis Anthony S. Garcia, isinagawa nila ang 2020 Annual Asian Water Bird Census kasama ang City Tourism Office, DENR-Bataan, at Wild Bird Club of the Philippines (WBCP).

Sa isang press release, inanunsyo ng lokal na pamahalaan ng Balanga na namataan sa lugar ang 32 species ng migratory birds. Pumalo rin daw sa mahigit 14,000 ang bilang ng mga ito kaya kumpara sa datos nila noong 2019, ‘di hamak ay mas mas mataas ang populasyon ng mga ibon ngayon.
“For this year, 14,256 birds belonging to 32 species were counted — an increase of 4,712 water birds from last year’s 9,544 count. Most of them were Whiskered Terns, Little Egrets, and Great Egrets,” pahayag nila.
Para naman sa mga interesadong makita ang mga migratory birds, karaniwan silang masisilayan sa coastal sites ng Barangay Puerto Rivas, Sibacan, Tuyo, at maging sa Balanga Wetland and Nature Park na kamakailan ay idineklarang Ecoutourism Zone sa Barangay Tortugas.

Dagdag pa ng City Tourism Office ng Balanga, layunin ng Annual Asian Water Bird Census na i-promote ang partisipasyon ng publiko sa pag-momonitor ng kalagayan ng mga ibon at iba pang wetlands sa Asia.
“The activity was done to promote public participation in monitoring the distribution, population, and trends of water birds, as well as the status of wetlands in the Asian Region. Moreover, the birds visiting the sites are highly regarded internationally,” pagsasaad nila.
Base rin sa isa pang report ng GMA News, galing umano ang mga ibon sa Europe at Asia. Karaniwan din daw silang nagpupunta sa Pilipinas para takasan ang winter season sa ibang bansa.