
- Umani ng atensyon sa social media ang mala-motorsiklong disenyo ng isang bisikleta
- Sa unang tingin kasi, aakalain mo talagang motor ang sinasakyang bike ng dalawang lalaki na nasa gas station
- Marami ring netizens ang natawa at tila na-prank ng kakaibang pakulo na ito
Motor sa unang tingin pero hindi naman pala! Ito ang naging usap-usapan sa social media matapos kumalat ang litrato ng dalawang lalaki na nakasakay sa bisikleta na may mala-motorsiklong disenyo.

Sa viral post ng isang Facebook page, hindi maitatanggi na talagang mukhang motor ang sinasakyan ng dalawang lalaki. Ang rider kasi, ayos na ayos ang postura at may suot pang helmet na kakulay ng kanyang bisikleta. Bukod pa rito, nadatnan din ang mga lalaki na naka-tambay sa loob ng isang gas station kaya marami ang nabiktima at nag-akalang magpapa-gasolina pa ang mga ito.
“Akala ko magpapa-gas… Nahiya tuloy akong itabi motor ko.. BIKE lang pala.. akala ko raider 150 na..” patawang sabi ni Cirej Noredap Odeclas.
May video din na inupload si Dhongroel tv kung saan makikita ang aktwal na pagpepedal ng lalaki sa inakala niyang motorsiklo sa unang tingin. Tawang-tawa rin ang uploader habang nag-vivideo siya.
“Nagpa-gas ka pa hahaha akala ko talaga una motor nung tinitigan ko bike lang pala hahaha,” kuwento ni Dhongroel.

Samantala, napuno na rin ng nakaaaliw na comments ang viral post at kasalukyang pumalo na sa mahigit 103,000 shares at 22,000 reactions.
“Akala ko power rangers na may inangkas lang,” biro ni Christian Chelle Panteriore.
“Taba talaga utak ng Pinoy! Creative work! Nice one brad!” komento naman ni Katherine Paras Sujide.
Sa huli, pinatunayan ng Facebook post na ito na “looks can be deceiving” nga kaya dapat matutunan nating kumilatis nang mabuti bago humusga. Sa kabilang banda, nagpapasalamat naman ang ilang netizens dahil sa good vibes at laugh trip na hatid ng kakaibang bisikletang ito. Walang kupas talaga ang galing ng mga Pinoy!