
- Naglabas ng hinaing ang isang customer matapos tanggihan sa tindahan ang 25¢ coins na ibinabayad niya
- Ani Kudou Suichie Gold, “last money” na niya ang ipambibili kaya naman may kasama nang 25¢ coins na nagkakahalaga ng tatlong piso
- Sabi raw ng nagtitinda, hindi sila tumatanggap ng mga sentimo
Naranasan mo na bang matanggihan ng tindahan matapos magbayad gamit ang 25¢ coins?
Naglabas ng hinaing ang isang customer matapos hindi tanggapin sa tindahan ang 25¢ coins na ibinabayad niya.

Saad ni Kudou Suichie Gold sa kanyang post sa Facebook group na Marikina News, “last money” na niya ang ipambibili kaya naman may kasama nang 25¢ coins na nagkakahalaga ng tatlong piso. Sabi raw ng nagtitinda, hindi sila tumatanggap ng mga sentimo.
“Magtatanong lang po ako, may batas na po ba sa Marikina na ipinagbabawal na ang pagtanggap ng bente-singko sentimos sa mga tindahan? Bumili kasi ako sa tindahan malapit dito sa amin. Ang sabi ng may-ari, bawal na raw ang 25¢ sa kanila at hindi na nila tinatanggap,” wika niya sa caption ng litratong ibinahagi niya sa group.
“Sabi ko last money ko na po kasi iyan kaya sinamahan ko na ng tatlong piso na 25¢ coins. Pero hindi na raw nila tinatanggap ang bente-singko sentimo. Tama lang po ba ‘yon?” pagpapatuloy niya.
Pinayuhan ng marami ang nag-post na huwag pumayag sa susunod na gawin ito sa kanya dahil maging ang mga sentimo ay nananatiling “legal tender”, kahit pa maliit lamang ang halaga nito.
Malinaw itong nakasaad sa Section 53 ng The New Central Bank Act (Legal Tender Power) na nagsasabing, “All notes and coins issued by the Bangko Sentral shall be fully guaranteed by the Government of the Republic of the Philippines and shall be legal tender in the Philippines for all debts, both public and private.”
