
- Kabilang ang window cards sa mga naging bahagi ng pag-aaral ng matematika ng mga estudyante sa elementarya
- Sa post sa isang Facebook group, binalikan ng marami ang mga sandaling gumagamit sila nito sa paaralan
- Anila, bukod sa pagkatuto ay maraming alaalang kakabit ang pagsasagot nila ng window cards sa klase noon
Noong elementarya, isa ang pagsasagot sa window cards sa mga gawain sa paaralan na kinaaaliwan ngunit nagpapakaba rin sa mga estudyante dahil sa time limit sa pagsagot nito.

Sa Facebook group na We Are Batang 90s (Kami Ang Batang 90s), binalikan ng marami ang mga sandaling gumagamit sila nito sa paaralan. Dito raw ay nataranta, nagmadali, kinabahan — pero natuto rin naman na sumagot nang mabilis.
“Naaalala mo pa ba? Batang 90s knows!” saad ng nag-upload ng larawan na si David Michael Diaz.
“‘Yong kahit kabisado mo ang multiplication table, mara-rattle kang isulat ang sagot kasi isinisigaw na ni Ma’am kung ilan na lamang ang mga nalalabing minuto,” kumento ni Kaelyn Karen.
“Yeah, window cards,” tugon ng social media user na si Edmark De Leon. “Basic lang naman iyan kaso iyong limitadong oras ang nakakatakot kapag naubos.”
“Ang nakakatakot diyan is ‘yong inoorasan ka, e,” wika ni Cherry Anne Alvariño Platilla.
“Malupit ‘yan,” pagbabalik-tanaw ni Chantelle Faith. “Kapag sasagutan na tapos ‘di naka-staple sa papel, puro mali nakukuha ko riyan. Paano kung saan-saan napupunta ‘yong butas. Hahaha! E ‘di mali-mali tuloy iyong puwesto ng mga sagot.”
Samantala, pag-aalaala pa ng post na si Diaz, “‘Yong feeling na ikaw ‘yong pinakaunang natapos mag-solve sa buong room. Hahaha the best iyon!”

Ikaw, ano-ano ang ipinaaalala sa iyo ng window cards? Nape-pressure ka rin ba sa time limit? Mas bumilis sumagot dahil nasanay sa inoorasan? O isa ka ba sa mga nauunang matapos at nakakakuha ng perfect score? Ibahagi ang iyong kuwento!