
- Kabilang sa mga paboritong libangan noon ng mga batang Pilipino ang panghuhuli ng salagubang
- Sa isang Facebook post, binalikan ng mga “young once” ang isa sa mga nagpasaya sa kanila noong mga sandaling simple lamang ang lahat
- Anila, napakaraming magagandang gunita ang nabuo nila dahil sa mga insektong ito
Noong panahong hindi pa moderno ang laruan ng mga paslit, kabilang sa mga paboritong libangan ng mga batang Pilipino ang panghuhuli ng salagubang.

Sa post ng Facebook page na Batang Pinoy-Ngayon at Noon, binalikan ng mga “young once” ang isa sa mga nagpasaya sa kanila noong mga sandaling simple lamang ang lahat. Anila, napakaraming magagandang gunita ang ibinabalik sa kanila ng mga insektong ito.
“Lumalabas iyan kapag umaambon at takipsilim,” ani Romeo Patricio. “Ang ginagamit na panghuli ay balat ng aratiles na ibinaon malapit sa tapayan ng bahay. May amoy ito na kaakit-akit sa mga salagubang. Parang pinutakte ka sa dami kung may hawak ka nito.”
“Kaming magpipinsan, nanghuhuli niyan sa puno ng talisay. Tinatalian namin at pinalilipad-lipad,” kuwento ni Lou W. Vergara.
“Sa probinsya, noong mga bata pa kami, tinatalian namin ang salagubang sa mga paa tapos inilalagay ito sa loob ng lata ng biskuwit at pinaiikot para tunog nang tunog,” pag-aalaala ni Luz Masangkay.
“Ang saya-saya noon kasi gabi ka kami kumukuha niyan at sa tabing ilog pa,” pagbabahagi ni Kimberly Bayudang Bitancor. “Tapos kapag uwian na, kanya-kanyang takbuhan na kasi tiyak na may mananakot kaming kasama. Haha!”
“Itinatali sa sinulid tapos ihahahagis namin sa ere para lumipad siya. Tapos susundan namin habang hawak ang sinulid,” pagbabalik-tanaw ni Aya Bagxi.

Samantala, may mga nagbahagi rin na iniluluto ng mga nakatatanda ang salagubang sa lugar nila kaya nakakain na sila nito.
Ikaw, ano ang hindi mo makalilimutang alaala pagdating sa mga salagubang? Nilalaro mo rin ba ang mga ito noon? O isa ka ba sa mga nakakain na nito?