Angelica sa BFF na si John: Binalik mo sa buhay ko si Jesus, mahal kita at ang iyong pamilya

Images via Angelica Panganiban and John Prats | Instagram
  • Nagpahayag ng pasasalamat ang aktres na si Angelica Panganiban para sa kanyang best friend na si John Prats
  • Sa Instagram, ini-upload ni Angelica ang isang litrato nila ng kapwa Kapamilya star habang natutulog
  • Aniya, makikita sa larawang ito kung gaano siya kakumportable sa matalik na kaibigang nagbalik ng kanyang pananalig sa Panginoon

Isa sa pinakamatatag at hinahangaang pagkakaibigan sa entertainment industry ang samahan nina Angelica Panganiban at John Prats na dalawa sa mga pinakasikat na child stars noong dekada 90.

Image capture from Instagram

Hanggang ngayon, sa tuwing mapupuna ng mga tao ang samahan ng dalawa ay nakadarama sila ng tuwa at nostalgia sa kung paano nagsimula at lumalim nang lumalim ang pagkakaibigan ng dalawa sa paglipas ng mga taon. At nitong nakaraan ay marami na naman ang naantig matapos makita ang birthday post ni Angelica para kay John.

Sa Instagram, ini-upload ni Angelica ang isang litrato nila ng kapwa Kapamilya star habang natutulog. Aniya, makikita sa larawang ito kung gaano siya kakumportable sa matalik na kaibigang nagbalik ng kanyang pananalig sa Panginoon. Pinasalamatan din niya ang maybahay ni John na si Isabel Oli; na naging malapit na rin niyang kaibigan simula noong maging kasintahan ito ng aktor.

“May mas lalambing pa ba sa kaibigan kong ‘to? Napakakumportable ko sa ‘yo, Pets. Napakabuti mo kasing tao. Ibinalik mo sa buhay ko si Jesus, kayo ni @isabeloliprats. Greatest blessings kayo sa buhay ko. Happy birthday, Petty pets. Mahal kita at ang lumalaki mong pamilya,” saad ni Angelica sa caption ng litrato na nakakuha na ng lampas 133,000 favorites, as of posting.

Matatandaang ilang beses na rin sinabi ni Angelica kung gaano kapositibo ang kaibigan at kung ano ang epekto nito sa buhay niya.

“Salamat sa positivity na dulot mo sa buhay ko. Mas marami ka pa sanang pangarap na matupad. Nandito lang ako lagi, Pets. Mahal kita,” wika niya sa isang naunang Instagram post.

Image capture from Instagram

Talaga namang pang-#BFFgoals, hindi ba?