VM Honey Lacuna-Pangan, nagbabala sa mga namamantalang negosyante matapos pumalo sa P200 ang presyo ng N95 mask sa Maynila

Public Domain Image
  • Binalaan ni Manila City Vice Mayor Honey Lacuna-Pangan ang mga negosyanteng nananamantala ng mga mamimili ng face mask
  • Ito’y matapos makarating sa kanyang tanggapan ang mga reklamo na umano’y pumalo na sa P200 ang presyo ng face mask sa ilang pamilihan sa lungsod
  • Muli ring nagpaalala si Lacuna tungkol sa maaaring maidulot na masamang epekto ng ashfall sa kalusugan ng tao

Kasunod ng pagsabog ng Bulkang Taal, naging mabenta ang face mask sa mga pamilihan sa Maynila. Sa katunayan, lumutang sa social media ang pagkadismaya ng mga netizens dahil nagkaubusan na nga ng supply ng mga ito noongkasagsagan ng insidente.

Imahe mula sa Facebook | David Ong

Dahil dito, tila hindi rin mapigilan ang ilang negosyante na samantalahin ang pagkakataon upang patawan ng labis na dagdag presyo ang kanilang tinitindang face mask. Mula sa P25 hanggang P30 kada piraso, pumalo na umano sa P200 ang bentahan ng N95 na mask.

Nakarating sa tanggapan ni Manila City Vice Mayor Honey Lacuna-Panga ang reklamong ito mula sa mga residente ng lungsod kaya nagbigay siya ng babala laban sa mga mapagsamantalang negosyante. Inatasan na rin ng Vice Mayor ang Manila Bureau of Permits at Manila Licenses Office na inspeksyunin ang mga negosyong nagbebenta ng N95 Mask.

“Huwag naman po natin gamitin ang panahon na ito para manamantala. Tandaan po natin, delikado po sa kalusugan nila ito,” giit ni Lacuna-Pangan sa isang pahayag.

“Ayaw ko pong makakita ng pasyenteng may asthma na itinakbo sa ospital dahil lang hindi siya makahanap o makabili ng mask,” dagdag pa niya.

Umani rin ng batikos mula sa ilang netizens ang umano’y labis na pagtaas ng presyo ng face mask.

Imahe mula sa Facebook | Bautista Aynera Lyn Lyn

 

Nauna nang nagpaalala ang PHIVOLCS at Department of Health ukol sa masamang epekto ng ashfall sa kalusugan ng tao. Patuloy nilang hinihikayat ang publiko na sundin ang kanilang mga payo para maging ligtas sa nararanasang unos dulot ng pagsabog ng Bulkang Taal.