
- Tampok sa programang Kapuso Mo, Jessica Soho ang kuwento ng mga turistang nasa Taal volcano sa araw mismo ng pa
gsabog nito - Ayon sa mga nakaligtas na turista, papunta sana sila sa crater ng bulkan nang mapansin ng isang tour guide ang lumalalang usok
- Ligtas ang mga turista at binalikan pa nila ang tour guide para ito naman ay matulungan sa pagkawala ng kanilang tahanan
Dati pa ay inaakyat na mismo ng mga hiker at maski ng mga turista ang bulkang Taal kahit na itinuturing itong active volcano, bagama’t noong taong 1977 pa nang huli itong sumabog.

Hanggang kamakailan, muli itong sumabog na ikinagulat ng marami lalo na ng mga residenteng nakatira sa danger zone sa paligid ng Taal. Marami tuloy ay nagsilikas dahil sa matinding pagbuga ng abo ng bulkan at mga pagyanig kaugnay dito.
Ngunit nung araw na ito ay sumabog, mayroon palang mga turista na pumunta sa mismong bulkan upang mamasyal at makita ang bukana nito. Ang kuwentong ito ay ibinahagi ng balik-bayan na si Denise Bernardo sa programang Kapuso Mo, Jesica Soho matapos mag-viral ang video ng kanilang naranasan.
Ayon kay Bernardo, dinala niya ang mga kaanak sa Taal upang mamasyal at ipakita ang mismong bulkan. Dumaan umano sila sa secret trail kung saan ay mapupuntahan nila mismo ang bunganga ng bulkang Taal.

Mula jump off point papuntang bulkan ay sinimulan na nila ang paglalakad papuntang viewing deck. Dito ay nakita na umano nila pati ng mga tour guides ang usok na nagmumula sa bulkan.
Mula viewing deck ay sumakay ang mag-anak ng kabayo upang makapunta sa crater ng bulkan. Nagpaiwan naman ang ibang kamag-anak ni Bernardo kasama ang tour guide na si Mang Elmer sa viewing deck.
Ngunit wala pang isang oras ay nakita umano ni Mang Elmer sa loob ng crater ang malaking usok na ibinubuga ng bulkan kaya naman agad agad niyang pinabalik sina Bernardo na nakasakay sa kabayo at ang mga hinete nito.

Sa video na kuha ni Bernardo at ng mga kasama niya, makikita ang pagdaan nila sa matarik na lugar papuntang crater ng bulkan at ang dali-dali nilang pagbalik sa viewing deck. Nakaramdam din sila ng mga pagyanig ng lupa at tunog ng pagsabog, kaya naman dali-dali silang sumakay sa bangka upang makatawid ng lawa palayo sa bulkan.
Mula doon ay kitang-kita ng pamilya ni Bernardo ang pagsabog ng bulkan na nakuhanan pa nila ng video. Pagkatapos ay agad silang bumiyahe paalis ng Batangas at pabalik sa Maynila.
Sa tulong naman ng programa ay nagkita muli sina Bernardo at si Mang Elmer na kanilang tour guide. Malaki umano ang utang na loob ni Bernardo kay Mang Elmer dahil siya ang tumulong at nagligtas sa kanilang pamilya.

Sa ngayon ay nakikitira si Mang Elmer at kaniyang pamilya sa bahay ng kaibigan ng kaniyang anak sa Lipa, Batangas. Wala umanong kasiguraduhan kung paano sila magsisimulang muli dahil hindi pa sila makababalik sa kanilang tirahan.
Nabalitaan naman ni Bernardo at ng kaniyang pamilya ang nangyari kay Mang Elmer at sa pamilya nito. Kaya naman binalikan muli ni Bernardo si Mang Elmer upang ito’y pasalamatan at bigyan na rin ng tulong pinansyal.
Ang nasabing episode na ito ng KMJS ay mayroon nang mahigit 2 million views at #3 trending pa sa YouTube Philippines.
Panoorin ang buong kuwentong ito via YouTube: