
- Viral ngayon sa social media ang post ng isang digital artist kung saan pinalitan niya ng wikang Baybayin ang mga makikitang signages sa lansangan
- Namangha ang ilang netizens dito at sa ngayo’y umabot na sa mahigit 56,000 ang shares ng post
- Ang Baybayin ay kilala bilang ancient script ng mga Pilipino na ginamit ng ating mga ninuno bago ang Spanish colonization
Naisip n’yo na ba kung ano ang magiging itsura ng Pilipinas kung sakaling ginagamit pa rin natin ang Baybayin? Magiging maganda kaya ito? Malilito ba tayo? O pagtagal ay masasanay na rin?

Ito ang tanong na bumagabag sa isip ni Gian Dominic kaya sa pamamagitan ng kanyang talent sa digital arts, naisipan niyang lumikha ng posibleng itsura ng ating paligid kapag wikang Baybayin ang mababasa sa mga signages.
Ibinahagi ni Gian Dominic sa publiko ang kanyang gawa sa pamamagitan ng pag-upload ng ilang larawan sa Facebook. Agad itong napansin ng mga netizens at ngayo’y pumalo na sa mahigit 64,000 reactions at 58,000 shares ang naturang post.
“Bago matapos ang 2019, naging curious ako kung anong magiging itsura ng paligid kung nag-stay yung sarili nating writing system hehehe. Sa sobrang curious ko, nagsimula ako ng series ng artworks para ma satisfy ko yung curiosity sa isip ko hahaha,” kuwento ni Gian Dominic.
Ito ang unang bahagi ng kanyang series of artworks na naka-3D model. Pinamagatan niya itong “Paano kung nasa Pilipinas tayo?”

Disclaimer pa ni Gian, isa siyang “big fan” ng Baybayin pero hindi siya expert dito kaya sana raw ay “patawarin” muna ang ilang error sa texts.
“Salamat sa mga corrections, very much appreciated! I edit ko yung mga maling baybay pag may time,” pahayag ni Gian. Samantala, ikinatuwa rin naman niya ang pagiging interesado ng publiko sa Baybayin.
Ang Baybayin ay hango sa salitang baybay o ibig sabihin ay “to spell out.” Mayroon itong 3 vowels, 14 consonants, at ang itinuturing na ancient script ng mga katutubo nating Pilipino.