
- Patok ngayon sa social media ang “Tattoo for A Cause” movement na inilunsad para sa mga biktima ng pagsabog ng Bulkang Taal
- Nakapaloob dito na sa bawat donasyong iyong ibibigay, maaari kang makakuha ng libreng tattoo
- Marami na ring tattoo artist mula sa iba’t ibang lugar ang nakiisa sa movement na ito
May libreng tattoo ka na, nakatulong ka pa! Ito ang naging konsepto ng “Tatoo for A Cause” movement na patok ngayon sa social media. Layunin nitong makalikom ng sapat na donasyon na ibibigay sa mga naapektuhan ng pagsabog ng Bulkang Taal.

Mula sa iba’t ibang lugar sa Luzon, maraming tattoo artists ang nagdesisyong makiisa sa movement na ito. Isa na rito si Aljon Look Nanit mula sa Lian, Batangas na tumatanggap ng 500 pesos cash o halagang 500 pesos na donasyon kapalit ng isang tattoo.
Sa facebook post ni Aljon, ibinahagi niya ang ilang minimal tattoo designs na puwedeng i-avail sa kanyang shop.
“Nagka-tattoo ka na, naka tulong ka pa! P500 or worth P500 na relief goods, palitan natin ng tattoo yan,” giit ni Aljon.
Paniniguro niya pa, makakaasa rin daw na lahat ng malilikom niyang pera ay makakaabot sa mga biktima ng Bulkang Taal.
“Napakalapit ko po sa lahat ng evacuation center dito sa Lian at Nasugbu, Batangas. Ang lahat po ng maiipon ko na bigay niyo e siguardong ako mismo ang mag-aabot sa mga biktima ng Bulkang Taal!” dagdag ni Aljon.

Ganito rin ang isinusulong ni Sam Muel para makatulong sa mga napinsala ng trahedya. Ang pagkakaiba nga lang, relief goods lang ang kanyang tinatanggap at hindi cash.
“Ayaw namin ng cash para maiwasan ang anumang conflicts. All proceeds will go to Mendez evacuation centers (Tagaytay at Alfonso kapag sobra-sobrang reliefs ang ma-collect namin),” pahayag ni Sam Muel sa kanyang Facebook post.
Mula naman sa Sta. Rita Karsada, Batangas City, “Tinta ko, tulong mo!” ang naging pambungad na salita ng Spectrum Tattoo. Katulad ng mga naunang artists, tumatanggap din sila ng donasyon na halagang 500 pesos para sa libreng tattoo.
Samantala, may inaalok naman na mas mababang presyo si Carmela Vista na galing sa Dasmarinas, Cavite — isang minimalist tattoo ang puwede mong makuha sa halagang 300 pesos!

“Gusto ko lang sana makatulong sa mga tao at animals na affected ng Taal Volcano Eruption sa simpleng paraan na makakaya ko,” saad ni Carmela sa kanyang facebook page.
Para sa mga interesado sa #TattooForACause, maaari po kayong makipag-ugnayan sa mga tattoo artists sa pamamagitan ng pagme-message sa kanilang Facebook page. Patuloy po sana nating tulungan ang isa’t isa para makabangon sa pinsala na dulot ng Taal.