
- Isa sa mga tanong ng mga bata noon ay kung paano nakapasok ang maliit na bahay sa bote na hindi hamak na mas maliit ang bunganga
- Sa post ng Batang Pinoy-Ngayon at Noon, binalikan ng marami ang mga panahong manghang-mangha sila sa pang-display na ito
- Marami pa rin palang hindi nakatutuklas ng sagot, at ipinaliwanag naman ito ng ibang netizens
Isa ka ba sa mga namamangha sa classic na boteng pang-display? Nagtataka ka rin ba noon kung paano nakapasok ang maliit na bahay sa bote na hindi hamak na mas maliit ang bunganga para daanan nito?

Sa post ng Facebook page na Batang Pinoy-Ngayon at Noon, binalikan ng marami ang mga panahong manghang-mangha sila sa pang-display na ito; na kung hindi bahay ay minsan barko o isang komunidad na may mga tao pa ang nasa loob. Hanggang sa ngayon ay marami pa rin palang hindi nakatutuklas ng sagot. Ipinaliwanag naman ito ng ibang netizens na nakakita ng post.
“Nakakita na ako ng naka-display na ganito. Na-amaze nga ako, baka ‘ka ko bahay ng mga tiyanak. Lagi akong nag-iisip noon. Wala kasi akong alam na ang mga inmate pala ang gumawa nito,” ani Mariaflor Baco.
“Noon nga napapaisip ako na totoo nga ang mga taga-Lilliput,” kuwento ni Leonardo Ariñez, Jr. sa comments section. “‘Yong mga character sa Gulliver’s Travels, kasi maliliit lang sila. Akala ko noon sila ang mga nakatira at sumasakay sa mga barko sa loob ng bote. Noong lumaki at nagkaisip na, doon ko nalamang gawa pala ng inmates, ang kikitain sa bawat ginawa nila ang nagsisilbing allowance at pansuporta sa mga pamilya nila.”
“‘Yan ‘yong ibinebenta ng manong noong nasa elementary kami. Gawa raw ‘yan ng mga preso sa Muntinlupa. Tapos amaze na amaze ako kung paano nila napasok ‘yon sa bote,” kumento ni Jecca Jea More Hofer Jr.

Samantala, wika naman ni Violeta Sillarez Belen, “Pano nga ba? Mahirap ba gawin ‘yan? But sa mga preso sa kulungan ‘yan, alam ninyo ba kung bakit nabuo ‘yan kasi habang ginagawa nila ‘yan, ang mga mahal nila sa buhay ang kanilang inspirasyon. Mahirap ang nasa loob ng kulungan, nakalulungkot. Diyan nila ibinubuhos ang pangungulila na nararamdaman nila at binuo din nila ‘yan na may kasamang pagmamahal.”