‘Tala Para Sa Taal’: Flash mob for a cause ng Popsters, gaganapin sa Rizal Park

Image via Popsters Official | Facebook
  • Hindi na lamang ngayon isang sikat na dance challenge o dance craze ang “Tala” ni Sarah Geronimo
  • Dahil sa pinakamalaking grupo ng fans ni Sarah G. na Popsters, magiging bahagi na ng isang mas malalim na misyon ang kantang ito 
  • Sa darating na January 18, gaganapin sa Rizal Park ang “Tala Para sa Taal” flash mob for a cause

Mula sa pagiging viral dance challenge o dance craze, magiging bahagi ng isang mas malalim na misyon ang popular na kanta ni Sarah Geronimo na Tala: ang pagiging daan para matulungan ang mga biktima ng pagputok ng Bulkang Taal sa Batangas.

Image capture from Facebook

Dahil sa pinakamalaking grupo ng fans ni Sarah G. na Popsters, ang kantang ito–na inilabas noong 2016 at nag-hit nang husto noong 2019–ay gagamitin sa isang flash mob for a cause na gaganapin sa Rizal Park sa darating na Sabado, January 18, sa paglalayon na makapag-abot ng donasyon sa mga apektado ng nasabing kalamidad.

“Guys, let’s do this! Come and join us! Nagsayaw ka na, nakatulong ka pa!” saad ng Popsters Official page nang ibahagi nito sa Facebook ang poster ng kanilang “Tala Para Sa Taal” charity flash mob event na may registration fee na P100; na magsisilbi na ring donasyon ng isang kalahok. Ang lahat ng malilikom sa event for a cause na ito ay mapupunta sa mga naapektuhan ng pagputok ng Bulkang Taal.

Pagkalipas lang ng isang araw ay agad na napuno ang slots para sa 600 na kalahok at opisyal nang isinara ang registration.

“Registration is now closed! Thanks sa lahat ng sumuporta at tumulong,” saad ng Popsters.

Ayon sa grupo, ang mga hindi na nakaabot sa limited slots ay maaari pa rin tumulong sa pamamagitan ng pagbibigay ng pledges at donations. Nag-iwan din sila ng mga detalye kung saan maaaring makapagpadala ng tulong pinansyal.

Image capture from Facebook