Status ng Taal volcano, ibinaba na sa Alert Level 3

Imahe mula sa Facebook | PHIVOLCS / Webster Letargo
  • Matapos ang halos dalawang linggong pananatili sa Alert Level 4, ibinaba na sa Alert Level 3 ang status ng Bulkang Taal
  • Ibig sabihin, bumaba na ang tsansa o tendency na magkaroon ito ng hazardous eruption
  • Ngunit sa kabila nto, pinaalalahanan ng PHIVOLCS ang publiko na hindi pa rin maaaring pumasok sa Taal volcano island at iba pang danger zone dahil possible pa ring sumabog ang bulkan

Good news ang sumalubong sa mga residente ng Batangas matapos i-anunsyo ng PHIVOLCS na bumaba na sa Alert Level 3 ang status ng Bulkang Taal nitong ika-26 ng Enero 2020.

Imahe mula sa Twitter | ABS-CBN News

Ayon sa PHIVOLCS, nangangahulugan ang Alert Level 3 na bumaba na ang tsansa o tendency na magkaroon ng hazardous eruption ang bulkan pero paglilinaw ng ahensya, hindi pa rin tuluyang nawala ang posibilidad na ito’y sumabog sa mga susunod na araw o linggo.

“Ang pagbaba sa Alert Level 3 base sa parametrong binabantayan ay nagpapakita ng pagbaba ng tendency towards hazardous eruption. Pero ito po ay hindi nangangahulugan na ang aktibidad ng Taal volcano ay tumigi na, o di kaya’y ang banta ng mapanganib na eruption ay nawala na po,” paliwanag ni PHIVOLCS officer-in-charge Renato Solidum sa isang report.

Dahil dito, pinaalalahanan nila ang mga residente na huwag pa ring pumasok sa danger zones at patuloy na mag-ingat at maging alerto sakaling may mangyaring pagsabog. Bukod dito, ipinagbabawal pa rin ang pagbalik sa mga lugar na nasa loob ng 7 kilometer radius mula sa bunganga ng bulkan at mismong sa volcano island.

Imahe mula sa Facebook | Go Batangas

Samantala, kasunod ng pagbaba ng status ng Taal, pinayagan naman ni Batangas Governor Hermilando Mandanas na bukod sa mga naninirahan sa Agoncillo at Laurel, pwede nang bumalik sa kani-kanilang bahay at trabaho ang lahat ng mga residente na nakatira sa lockdown areas.

Ngunit sa kabila nito, nagbabala pa rin si Mandanas sa mga kababayan niya. “It is still possible that Taal volcano may still erupt. Therefore, all returning residents must be constantly alert, vigilant, and ready to evacuate within one hour,” paalala ng gobernador.

Dalawang linggong nanatili sa Alert Level 4 ang Bulkang Taal simula nang sumabog ito noong ika-12 ng Enero 2020. Mahigit 300,000 na residente ang inilikas dahil dito at ni-lockdown din ang mahigit 200 na lugar sa Batangas at Cavite upang matiyak ang kaligtasan ng mga naninirahan doon.