Sen. Manny Pacquiao, nilinaw na hindi siya konektado sa mga kumakalat na ‘solicitation’ para sa mga biktima ng Taal

  • Itinanggi ni Sen. Manny Pacquiao ang mga kumakalat na social media post at pages patungkol sa umano’y koneksyon niya sa samu’t saring ‘solicitation’ para sa Taal
  • Giit ng senador, gawa-gawa lang ang mga ito lalo na’t direktang nakikipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan ang kanyang pamilya at opisina para ipaabot ang kanilang tulong
  • Nais ding paimbestigahan ni Pacquiao kung sino ang mga nasa likod ng bogus social media accounts na ito

SCAM ALERT! Itinanggi ni Sen. Emmanuel “Manny” Pacquiao ang mga akusasyon na diumano’y konektado siya sa mga kumakalat na ‘solicitation’ para sa mga biktima ng pagsabog ng Bulkang Taal.

Ito’y matapos niyang mabalitaan na nakasaad sa mga bogus social media posts at pages na inisyatibo umano ng senador ang naturang paglilikom ng pera o donasyon.

Public Domain Image

“Sa mga gumagamit ng aking pangalan para makapanlinlang ng kapwa, mahiya naman po kayo. Labis-labis na ang paghihirap ng ating mga kababayan, ay nagagawa n’yo pang manloko ng inyong kapwa,” pahayag ni Pacquiao.

Dagdag pa ng senador, hindi rin siya takot na sampahan ng kaso ang mga nasa likod ng bogus social media posts at pages.

“I am warning you, tigilan n’yo na yang panloloko n’yo dahil tinitiyak ko na hindi ako titigil hangga’t di kayo matunton at masampahan ng kaukulang kaso,” seryosong babala ni Pacquiao.

Bukod pa rito, sinabi niya rin na direkta siyang nakikipag-ugnayan sa mga local government units para ipahatid ang tulong sa mga napinsala ng pagsabog ng bulkan.

“My office and my family have been in close coordination with Batangas and Cavite local government units to directly provide assistance for the victims and I am using my personal resources for our effort to help our people,” paliwanag ni Pacquiao.

Dahil sa isyung ito, makikipag-ugnayan ang senador sa Department of Information and Communications Technology (DICT) at National Bureau of Investigation (NBI) para i-track down ang mga tao na gumamit ng kanyang pangalan. Magsusumite rin daw siya ng reklamo sa Facebook para ipa-down ang mga bogus accounts na ito.

Imahe mula sa Facebook | Jayson Borcelo Ilagan

Ilang netizens na rin ang nagpaalala sa publiko na h’wag nang kumagat sa ganitong uri ng panloloko.

Samantala, pinaalalahanan naman ni Pacquiao ang mga residente na patuloy na makipag-ugnayan sa security at local government authorities para masiguro ang kanilang kaligtasan.