
- Pinagkaguluhan ng mga residente malapit sa Dipolog Boulevard ang sangkaterbang isdang tamban na napadpad sa dalampasigan
- Ilan sa kanila ang natuwa dahil sa ‘blessing’ na ito habang hindi naman naiwasan na ang iba ay mangamba
- Pero paliwanag ng BFAR, normal lang ang ganitong sitwasyon dahil naghahanap ang mga isda ng pagkain at malamig na lugar
Laking gulat ng mga residente sa Dipolog City, Zamboanga Del Norte nang kanilang madatnan ang sandamakmak na isdang tamban malapit sa dalampasigan.
Ito na rin kasi ang ikalawang beses na nakita ang dagsang mga tamban sa lugar nitong buwan ng Enero. Dahil dito, hindi na tuloy sila nag-atubili pang kumuha ng mga isda na maiuuwi sa kani-kanilang mga pamilya.

Sa video na inupload ni Wins Obordo Curam sa Facebook noong ika-26 ng Enero 2020, makikita na halos punong-puno ng isdang tamban ang dalampasigan kaya labis ang kanyang pasasalamat dahil sa pangyayaring ito. Dagdag pa niya sa caption, isa itong regalo mula sa kalikasan.
“Isda nidagsa sa Dipolog Boulevard. Gasa sa Kinaiyahan! Daghang salamat Ginoo! (Dumagsa ang isda sa Dipolog Boulevard. Regalo ng Kalikasan! Maraming salamat po Lord),” saad ni Curam.
Ilang residente rin ang nagalak sa pagdami ng isda sa Dipolog. Hiling tuloy ng isang netizen, sana ay maabutan n’ya raw ang ganitong eksena para matuwa ang kanyang mga anak. “Sana ma-tsambahan kong umuwi na ganito oh… Tapos kasama ko mga tsikiting ko… matutuwa sila ng husto,” pahayag ni Vanessa Romanggo Santillana.

Ngunit sa kabila nito, hindi naman maiiwasan na mangamba ang ilan nating kababayan at isiping “bad omen” umano ang nangyari. Nangangamba kasi sila na baka konektado ito sa ibang bagay na maaaring ikapahamak ng mas marami.
Gayunpaman, tiniyak ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources o BFAR na normal lang ang ganitong sitwasyon. Paliwanag nila, nangyayari ang paglapit ng mga tamban sa baybay dahil naghahanap umano ang mga ito ng malamig na lugar at pagkain.