
- Dahil sa malakas na buhos ng ulan, binaha ang ilang lugar sa Puerto Galera at San Teodoro nitong ika-25 ng Enero
- Nabalot din ng takot ang ilang netizens matapos mapanood ang video ng pagbaha sa Tamaraw Falls
- Makikita kasi rito ang malakas na pagragasa ng pinaghalong tubig at lupa mula sa itaas ng bundok
Kasunod ng malakas na buhos ng ulan, binaha ang ilang lugar sa Oriental Mindoro nitong ika-25 ng Enero 2020. Kasama na rito ang bayan ng Puerto Galera na isa sa mga pinaka-popular na tourist destinations sa lalawigan.

Base sa isang post na inupload ni Earl Axalan sa Facebook, hindi talaga naging biro ang pinsalang naidulot ng pag-ulan na ito. Makikita kasi sa mga litrato ang matinding pagragasa ng pinaghalong tubig at lupa sa ilang kalsada at kabahayan. Isa rin sa mga lubhang binaha ay ang daan malapit sa Tamaraw Falls.
Sa katunayan, naging usap-usapan sa social medaia ang video kung saan ipinakita ang sitwasyon sa Tamaraw Falls. Kasabay kasi ng malakas na ulan, tumaas ang lebel ng tubig sa falls at bumuhos nang husto mula sa itaas ng bundok hanggang sa patuloy itong rumagasa sa ilog.
Ilang netizens din ang nagpahayag ng kanilang kuro-kuro na marahil ay dahil sa pagkakalbo ng mga gubat kaya naging ganitong katindi ang epekto ng pag-ulan.
“Dahil sa kawalan ng puno sa kabundukan, ito ang resulta t’wing umuulan,” komento ni Divine Magbuhos.

Bukod pa rito, inireport din ng Facebook page na Oriental Mindoro PISD na nagkaroon ng pagguho ng lupa sa dalawang barangay ng Puerto Galera. Limang tricycle at tatlong motorsiklo din daw ang na-damage dahil sa landslide sa Poblacion, Fil Oil, Minolo, at Brgy. San Isidro.
Samantala, sa isang online report, nilinaw naman ng Disaster Risk Reduction and Management Council ng MIMAROPA na walang naganap na bagyo pero may nangyaring malakas na pagbuhos ng ulan sa ‘uphill areas’ ng Oriental Mindoro. Dagdag pa nila, ang tubig mula sa bundok ang dahilan kung bakit binaha ang ilang komunidad sa lugar.
Sa ngayon, bumalik na ulit sa normal ang sitwasyon sa Puerto Galera pati sa katabing bayan nito na San Teodoro. Pinag-iingat naman ang mga residente at turista sakaling maulit muli ang ganitong klaseng sitwasyon.