Probinsya ng Isabela, nagbigay ng libo-libong sako ng bigas sa mga Taal evacuees

  • Patuloy ang pagdagsa ng mga tulong at donasyon para sa mga naging biktima ng pagputok ng Taal volcano
  • Bukod sa mga tulong pinansyal at relief goods, marami rin ang nagbubukas ng kanilang tahanan para sa mga evacuees, tao man o hayop
  • Kamakailan, nagbigay na rin ang probinsya ng Isabela ng libo-libong sako ng bigas para sa mga Taal evacuees

Sa gitna ng pagsubok na kinakaharap ng Pilipinas ngayon dahil sa pagputok ng Taal volcano, patuloy naman ang pagdagsa ng tulong mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa at maski mga dayuhan.

Imahe mula sa Philippine Information Agency Calabarzon via Facebook

Buong sikap ang ginagawa ngayon ng mga Pinoy na masagip at matulungan ang mga naging biktima ng pagputok ng bulkan, mapa tao man o hayop.

Habang humina ang pag-ulan ng ashfall sa mga lugar na malayo sa apektadong lalawigan tulad ng Batangas, Laguna, at Cavite, hindi pa rin naman ito nawawala sa mga nasabing lugar.

Imahe mula sa Facebook | Jenelyn De Castro

Dahil dito, maraming apektado —tao man o alagang hayop— ang patuloy pa rin na inililikas at dinadala sa ligtas na lugar upang maiwasan ang kanilang pagkalanghap ng ashfall na masama sa kalusugan.

Kaliwa’t kanang tulong at donasyon mula sa gobyerno, mga indibidwal, grupo, at iba pa ang napababalitang natatanggap ng mga evacuees sa mga nasalantang lugar.

Bukod sa mga donasyon, mayroon na ring mga Pinoy ang nagbubukas ng kanilang tahanan upang dito pansamantalang patuluyin ang mga evacuees, habang ang iba naman ay kumupkop ng mga apektadong alagang hayop.

Imahe mula Facebook | Jenelyn De Castro

Samantala, kamakailan ay nagbigay na rin ng tulong ang probinsya ng Isabela sa pamamagitan ng pagbibigay ng bigas para sa mga Taal victims.

Sa mga litratong ibinahagi ni Jenelyn De Castro sa Facebook, libo-libong sako ng bigas ang makikitang nakalagay sa malalaking truck. Ang mga bigas umano na ito ay mula sa probinsya ng Isabela at ipapadala sa mga naging biktima ng pagsabog ng Taal sa Cavite at Batangas.

Marami namang netizens ang humanga sa donasyon na ito ng Isabela dahil malaking tulong ito para sa mga evacuees upang sila ay may makain. Hiling lamang ng iba sa kanila na sana’y makarating mismo ang mga bigas na ito sa kanila.


Loading...
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!
%d bloggers like this: