Pinoy memories: Mga babasahing tinangkilik noon, mga gunita na lamang ba ngayon?

Image capture from Facebook
  • Napakarami at iba’t ibang klase ng babasahin ang tinangkilik ng mga Pilipino noong panahong wala pang mga modernong gadget at iilan pa lang ang may TV
  • Ilan sa mga ito ang Hiwaga, Aliwan, Funny Komiks, at Pilipino Komiks
  • Sa isang post, binalikan ng marami ang panahong ang mga ito ang kumukumpleto sa kanilang maghapon

Hiwaga, Aliwan, Funny Komiks, Pilipino Komiks — ilan lamang ang mga ito sa mga babasahin bumuo sa kahapon ng maraming Pilipino noong panahong wala pang mga modernong gadget at maging ang telebisyon ay iilan pa lamang ang mayroon.

Image capture from Facebook

Noon, napakarami at iba’t ibang klase ng babasahin ang mapagpipilian ng mga Pilipino; mga babasahin na tinangkilik ng marami noong panahong wala pang mga modernong gadget at iilan pa lang ang may telebisyon, katulad ng Hiwaga, Aliwan, Funny Komiks, Pilipino Komiks, at iba pa.

Sa post ng Facebook page na Batang Pinoy-Ngayon at Noon, binalikan ng marami ang panahong ang mga babasahin na ito pa ang kumukumpleto sa kanilang maghapon.

“Favorite ko Hiwaga, Aliwan, at Tagalog Klasiks. Lalo na ‘yong mga drawing ni Mar Santana at mga kuwento ni Gilda Olvidado,” ani Marivic Paredes. “Kahit magastos iyon dahil twice a week mo susundan ang continuity ng istorya. Doon lang maligaya na ang mga tao, lalo kung walang TV sa bahay tulad namin.”

“Very memorable,” ani Myrna Garcia – Villa. “Iyong komiks, lahat meron ako. Iyong baon ko noong high school ako, tinitipid ko, nilalakad ko Quiapo, pauwi ng Pandacan, Nagtahan Bridge daan ko. Dumadaan ako sa komiks stand sa amin, 50 centavos lang noon.”

“Yes, lahat may sinusubaybayan ako,” wika ni Shirley Saragena. “Minsan sa school dala-dala pa rin.”

“Lahat! Nagmamadali ako umuwi niyan galing school para matapos na ang house chores at makahingi ng pang-rent,” kuwento ni Francia Naval Cortez.

Image capture from Facebook

Samantala, kung hanggang sa pag-alaala na lamang ang iba, mayroon din mga nakapagtabi pa ng kanila; binubuksan paminsan-minsan, iniisa-isa ang mga pahina, binabalikan ang mga paboritong istorya na para bang ginagawa muli silang bata.