Pinoy favorites: Mga inilalakong pagkain na kumukumpleto sa gabi ng maraming Pilipino

Image capture from Facebook
  • Bahagi na ng sistema ng maraming Pilipino ang mga pagkaing inilalako tuwing gabi
  • Malimit na isinasabay ang mga ito sa panonood ng telebisyon o sa simpleng kuwentuhan; nagbubuklod na sa magkakapamilya, maaari pang ma-enjoy kahit nag-iisa ka
  • Sa Memories of Old Manila, itinanong ng isa sa mga miyembro kung alin ba sa mga ito ang pinakapaborito nila

Balut, penoy, nilagang mani, o itlog pugo? Kabilang ka rin ba sa malimit bumili ng mga ito kapag gabi? Hindi maikakaila na pagbili ng mga “pagkaing panggabi” na ito ay naging bahagi na ng sistema ng napakarami sa atin.

Image capture from Facebook

Noon pa man ay kinukumpleto na ng balut, penoy, nilagang mani, at itlog ng pugo ang gabi ng maraming Pilipino; mga Pinoy na nakalakihan na ang pagbili ng mga ito sa mga tindero at tinderang nagsisimula nang maglako bago o matapos ang oras ng hapunan. Para sa maraming Pinoy, malimit na isinasabay ang pagkain ng mga ito sa panonood ng telebisyon o sa simpleng kuwentuhan sa loob ng tahanan o kung nais lang ng simpleng pagsasaluhan.

Bukod sa nagbubuklod sa magkakapamilya, maaari pang ma-enjoy kahit nag-iisa; kapag nagbabasa ng libro, kapag mas gusto mong manood nang mag-isa, kapag walang magawa at nagmumunimuni, at marami pang iba.

Sa Facebook group na Memories of Old Manila, itinanong ng isa sa mga miyembro kung alin ba sa mga ito ang pinakapaborito nila–at marami ang nahirapang mamili dahil halos lahat daw ng mga pagkaing ito ay gustong-gusto nila. Madalas nga raw ay hindi na sila namimili kapag nariyan na ang naglalako, bumibili na lamang daw sila ng pakaunti-kaunti sa bawat klase ng pagkaing itinitinda nito.

Mayroon pa ngang nagbiro na maging asin at suka na dala ng tindero ay gusto rin niya. Kung sa bagay, makukumpleto ba naman ang pagkain ng mga ito kung wala ang mga pandagdag ng sarap?

Image capture from Facebook

Marahil, bukod sa masasarap ay gustong-gusto ng marami ang mga pagkaing ito dahil kakabit ng kanya-kanya nitong lasa ang iba’t ibang alaala; mga masasayang sandali na waring natitikman muli dahil sa mga “meryendang panggabi”, mga panahong hindi na maibabalik sa kasalukuyan ngunit buhay pa rin dahil sa mga gunitang hindi makalilimutan kailanman.