
- Lubos na pinag-iingat ng PHIVOLCS ang publiko sa mapanganib na posibilidad at epekto ng pagkakaroon ng base surge sa Taal
- Ang base surge ay ang horizontal o pahalang na pagkalat ng napakainit at mala-ulap na kombinasyon ng
abo, steam, at nagbabagang mga bato mula sa bunganga ng bulkan - Dahil sa lakas at lawak ng sakop, apektado rito ang lahat ng barangay na nasa 14 kilometer danger zone
Isa sa mga pinakakinatatakutang scenario ng mga taga-Batangas ay ang posibilidad na magkaroon ng pyroclastic flow o base surge sa Taal. Nangyayari ito kapag horizontal o pahalang na kumalat ang napakainit na abo, steam, at nagbabagang mga bato mula sa bulkan.

Ayon sa PHIVOLCS, 60 hanggang 80 kilometers ang bilis ng base surge kaya hindi ito uubrang takbuhan ninuman. Makakaya rin daw tabunan ng deposito nito ang mga lambak sa tabing-ilog at kapatagan.
Katulad ng nangyaring base surge noong 1965 at 1966, posible rin daw na maulit ito ngayon lalo na’t nananatiling nasa Alert Level 4 ang Bulkang Taal. Dagdag pa ng ahensya, sa isang iglap din daw ay kaya nitong tumawid ng lawa ng Taal at umabot hanggang sa 14-kilometer radius ng bulkan.

Ibig sabihin, mahahagip nito ang mga bayan ng Agoncillo, Alitagtag, Balete, Cuenca, Laurel, Lemery, Lipa City, Malvar, Mataas Na Kahoy, San Nicolas, Santa Teresita, Taal, Talisay, at Tanauan City.
Dahil dito, hinihikayat ng PHIVOLCS ang mga residente sa mga nasabing lugar na magsimula nang mag-evacuate para makaligtas sa nagbabadyang panganib. Dapat rin daw na maghanda na sila ng kanilang “go bag” o survival kit kung sakaling kailanganin ng agarang pag-e-evacuate.
Samantala, kumakalat naman ang isang computer simulation video ng base surge sa Facebook. Marami ang nangamba nang mapanood ito dahil kitang-kita sa video ang bagsik ng pagsabog na ito.
Pero sa kabila ng sitwasyon sa Batangas, patuloy namang nananalig at nagdarasal ang mga apektadong residente na sana ay mailigtas sila mula sa anumang sakuna.