Phil. Army at 2nd Lt. Matteo Guidicelli, nagbigay ng mga relief goods sa mga Batangas evacuees

Mga imahe mula Facebook at Instagram
  • Kasama ang mga kapuwa sundalo sa Philippine Army, namahagi ng relief goods ang aktor at 2nd Lieutenant na si Matteo Guidicelli
  • Gamit ang military truck, pinangunahan ni Guidicelli ang operasyon sa may Sto. Tomas City sa Batangas
  • Namahagi ang Philippine Army ng mga pagkain, inumin, at damit sa mahigit 200 pamilyang evacuees sa nasabing lugar
Imahe mula kay Matteo Guidicelli via Instagram

Sa pagputok ng Taal volcano ay dumagsa at umulan rin ng maraming tulong mula sa mga Pinoy at maski na rin sa ibang bansa.

Bukod sa mga balitang kaugnay sa epekto ng pagsabog ng Taal sa mga residente ng nasasakupang lugar, itinatampok din sa balita, online articles, at mga posts sa social media ang pagsisikap ng marami na matulungan ang mga nasalantang tao at maski mga hayop.

Marami ring mga celebrities at personalities ang pansamantalang iniwan ang marangyang pamumuhay upang maghatid ng tulong sa mga kababayan natin at sa kanilang mga pamilya na nangangailan.

Imahe mula kay Matteo Guidicelli via Instagram

Kamakailan ay namataan ang aktor na ngayon ay 2nd Lieutenant na sa Philippine Army na si Matteo Guidicelli kasama ang mga kapuwa niya sundalo habang namimigay ng relief goods sa Barangay Poblacion 3 sa Sto. Tomas, Batangas.

Kabilang ang lugar ng Sto. Tomas sa mga pansamantalang kumukupkop sa mga residenteng nagsilikas mula sa bayan ng Talisay at Agoncillo kasunod ng pagputok ng Taal noong linggo.

Kasunod ng kanilang pagbibigay ng relief goods sa mahigit 200 pamilyang evacuees ay ang pag-post ni Guidicelli sa kaniyang IG account.

Imahe mula kay Lhen Pagaduan Delos Reyes via Facebook

Sa kaniyang post ay humingi ng pasasalamat ang 2nd Lt. sa grocery store na Landers dahil sa donasyon nilang relief goods para sa mga nasalanta. Ani Guidicelli, tumatanggap din ang Landers ng donasyon mula sa mga nais pang magbigay ng tulong para sa evacuees.

Maraming netizens ang humanga sa ginawang ito ni Guidicelli at ng Philippine Army habang ang iba naman ay humingi ng tulong hindi lang para sa mga pamilya na nasalanta kundi pati na rin sa mga hayop na apektado ng pagputok ng Taal.

Ayon sa ulat ng Office of Civil Defense (OCD), umabot na sa mahigit 7,000 pamilya o mahigit 30,000 indibiduwal mula sa Batangas at Cavite ang nailikas na.