
- Ibinahagi ng netizen ang litrato ng dalawang motorista habang nasa kalagitnaan ng traffic
- Ang litratong ito ay pumukaw sa atensyon ng marami dahil imbes na ang Angkas Driver ang nagda-drive ng motor, tila ang kaniyang pasahero ang nagmamaneho
- Kamakailan kasi ay ipinagbawal ng Angkas ang pagsasakay ng mga pasaherong mabigat ang timbang
Dahil sa lala ng traffic saan mang panig ng Maynila, maraming mga commuters ang gumagamit ng mga car and motor rental services tulad ng Grab at Angkas.

Isinapubliko sa Pilipinas noong 2016 ang Angkas, isang motorcycle ridesharing and delivery service company na nakabase sa Metro Manila.
Simula noon ay marami nang Pinoy ang gumagamit ng Angkas app upang maging service o magpahatid ng mga packages. Ngunit marami ang napataas ang mga kilay kamakailan nang magkaroon ng bagong patakaran ang Angkas na maaaring tanggihan ng mga drivers ang mga pasaherong may kabigatan ang timbang.

Ang patakaran naman na ito ay alinsunod sa bagong motorcycle guidelines na inilabas ng gobyerno upang mapanatili ang kaligtasan ng rider at ng kaniyang pasahero.
Sa paglabas ng balitang ito ay may karagdagang update sa Angkas app kung saan ay kinakailangan umanong ilagay ng pasahero ang kaniyang “weight range” bago siya makapag-book.
Sa pagpapatupad ng bagong patakaran na ito ay namataan ng netizen na si Al Dave Tejada ang isang Angkas rider at ang pasahero niyang babae. Ngunit imbes na ang Angkas driver ang nasa manibela, ayan at ang pasahero niya ang nagmamaneho ng motor?

Pumukaw naman sa atensyon ng maraming netizens ang nasabing litrato ng Angkas driver at kaniyang pasahero. May ibang nagsasabing dahil may limitasyon na sa bigat ang mga pasahero kaya’t ang Angkas driver na lang ang naging pasahero.
May iba namang nagsasabi na ang pasaherong babae ay asawa umano ng Angkas driver at upang makapagpahinga ang asawa ay siya na lang ang mismong nag-drive. Habang hula naman ng iba na hindi umano alam ng Angkas driver ang location ng pasahero kaya ito na mismo ang nagdrive.
Ano man ang katotohanan sa litrato, ang mahalaga ay mayroong lisensya ang pasaherong nagmamaneho at kailangang siya ay sumusunod sa mga batas trapiko upang masigurado ang kaligtasan nilang dalawa ng Angkas driver.

Sa kalalabas lamang na balita, simula sa susunod na linggo ay titigil na sa operasyon ang mga motorcyle taxis na napagkasunduan ng technical working group na sumasagawa ng pag-aaral sa pilot test ng mga ito.
Ani Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) member Antonio Gardiola Jr., itinuloy na ang terminasyon ng pilot test para sa mga motorcycle taxis.
Simula sa susunod na linggo, ituturing nang ilegal ang tatlong motorcyle hailing apps na Angkas, Joyride, at Move It.