P1,000 buwanang allowance ng mga estudyante sa mga unibersidad ng Maynila, naipapatupad na

Imahe kuha mula sa video ni Isko Moreno Dumagoso via Facebook
  • Natatanggap na ng mga estudyante ng Lungsod ng Maynila ang kanilang buwanang allowance mula Enero ngayong taon
  • P 1,000 ang nakatakdang allowance para sa mga estudyante ng mga pampublikong unibersidad ng Maynila at P500 para sa Grade 12 ng mga pampublikong paaralan

Isang magandang balita ang inanunsiyo ni Mayor Isko sa pagbisita niya sa Unibersidad de Manila.

Imahe kuha mula sa video ni Isko Moreno Dumagoso via Facebook

Naipapatupad na ang City ordinance No. 8568 na magbibigay ng P1000 na libreng allowance kada buwan para sa mga kuwalipikadong estudyante ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila at Unibersidad de Manila. Kasama rin ang City Ordinance No. 8564 na magbibigay ng P500 allowance para sa mga estudyanteng nasa Grade 12 ng mga pampublikong paaralan.  Ang dalawang ordinansang ito ay napirmahan ni Mayor Isko noon pang Hulyo at nakatakdang ipatupad Enero ngayong taon.

Ang mga kuwalipikadong mag-aaral ay ang mga “undergraduate students in good standing, ng PLM o UDM, na residente at rehistradong botante ng Lungsod ng Maynila. Kapag hindi pa nasa legal na edad ang mag-aaral, kailangang rehistradong botante sa lungsod ang kanyang mga magulang. Ang ibig sabihin naman ng “good standing” ay “not under probation or without any citation and disciplinary record.”

Naisakatuparan ang programang ito sa tulong ng GCash at Asenso Manileño Party.

Ang mga ordinansang ito ay bahagi ng layunin ni Mayor Isko para sa “social amelioration” ng mga senior citizens at mag-aaral.

Pahayag ni mayor, “Dati laway-laway lang. Ngayon, tupad-laway na!” Nagbiro pa siya “Malay ninyo madagdagan pa ito!”

Imahe kuha mula sa video ni Isko Moreno Dumagoso via Facebook

May pahayag naman ang GCash president at CEO na si Anthony Thomas kay Mayor Isko, “The fact that has impressed us the most and wants us to help, enable more for the community is that it has followed with action.  And it’s good to announce that you’re going to do something but it is so much better that you do it.” Walang ginastos ang pamahalaan ng lungsod sa pagpapagawa ng card na poponduhan ng allowance kundi sagot ito ng GCash. Hinikayat naman niyang mag-ipon ang mga estudyante sa GSave dahil ito ay may pinakamataas na interest rate sa bansa.

Sa isang interbiyu, nagpasalamat ang mga estudyante dahil malaking tulong ito sa kanila bilang pambili ng mga gamit sa skul at libro.