
- Sinimulan na ang paglilinis sa mga lugar na naapektuhan ng pagsabog ng Bulkang Taal
- Isa sa mga nagkasa ng #OperationLinis ay ang bayan ng Silang, Cavite
- Tulong-tulong din ang mga residente upang maibalik sa normal ang sitwasyon sa kanilang lugar
Tulad ng ibang bayan na naapektuhan ng pagsabog ng Bulkang Taal, unti-unti na ring nagsisimula ang pagbangon ng mga taga Silang, Cavite mula sa naging pinsala ng trahedyang ito.

Matapos balutin ng makapal na abo ang mga kabahayan at gusali, nagtulong-tulong ang mga residente para maibalik sa normal ang sitwasyon ng kani-kanilang barangay. Sa Balite Dos, ibinahagi ni Michael Jones Reyes Sumulong sa kanyang Facebook account ang mga litrato kung saan makikita ang mga residente na may dalang pala na ginagamit para alisin ang mga putik sa daan. Sinamahan niya ito ng caption na “Nagkakaisa, hindi nag-iisa.”

Bukod pa rito, nagsagawa rin ng cleaning operation sa Lalaan 2nd sa kahabaan ng Aguinaldo Highway kung saan maraming mga pribado at pampublikong sasakyan ang dumaraan.
Naging todo naman din ang paglilinis sa Infant Jesus Academy of Silang Inc. na isa sa mga pinakamatandang eskwelahan sa bayan ng Silang. Suot ang face mask, kanya-kanyang walis sa abo ang mga estudyante, guro, at iba pang personnel ng paaralan.
Ipinaabot naman ni Jona May Berci sa isang Facebook post ang kanyang pasasalamat sa lahat ng mga tumulong at nagmalasakit para sa eskwelahan.

Samantala, dahil sa pinsala ng pagsabog ng Bulkang Taal, idinekalara nang nasa “state of calamity” ang lalawigan ng Cavite. Nag-anunsyo na rin si Governor Jonvic Remulla na mananatiling suspendido hanggang January 16, 2020 ang klase sa lahat ng antas sa buong lalawigan.
Gayunpaman, patuloy na umaasa at nananalangin ang mga residente na tuluyan na silang makababangon mula sa kalunos-lunos na pangyayaring ito. Handa rin ang lokal na pamahalaan na tumugon sa pangangailangan ng iba pang mga kababayan na naapektuhan sa pagsabog ng Taal.