Nostalgia: Sa halip na inumin, pinapapak mo rin ba noon ang Ovaltine?

Images via Amazon
  • Kaysa inumin, ang ibang mga bata ay mas hilig papakin ang Ovaltine
  • Naging malaking bahagi ng kabataan ng marami ang classic powdered chocolate drink na ito
  • Sa post ng Batang Pinoy-Ngayon at Noon, binalikan ng maraming “young once” ang mga sandaling nakahiligan nilang papakin ang dapat itinitimpla

Kabilang ka rin ba sa mga bata na kumukuha noon ng Ovaltine sa lalagyan hindi para itimpla at inumin, kung hindi upang ito ay papakin?

Image capture from Facebook

Ganito ang sistema noon ng maraming paslit: sa halip na inumin ang nasabing powdered chocolate drink, mas gusto nila na pinapapak ito. At dahil naging malaking bahagi ng kabataan ng marami, hindi na nakapagtataka kung bakit nostalgic para sa kanila na makakita nito. Sa post ng Batang Pinoy-Ngayon at Noon, binalikan ng mga “young once” ang mga sandaling nakahiligan nilang papakin ang powdered drink na dapat sana ay itinitimpla at iniinom.

“Naku, iyan ang paborito ko noon. Ang sarap kaya ng Ovaltine! Pagbukas mo pa lang, amoy mo na ang bango. Para sa ‘kin, ‘yan ang original na masarap papakin at masarap din timplahin, malamig man o mainit na tubig ang gamit,” pagbabahagi ni Melecia G. Ederon.

“‘Yong palihim kang kumuha nito sa pinagtataguan ng mama!” ani Lourdes Giducos Jagmoc. “Ang sarap ng subo mo kahit nakatago, pagkatapos lakad ka na parang wala lang.”

“Naalala ko, pang-uto sa akin ng lola ko ang isang lata ng Ovaltine para hindi ako hahabol ‘pag pupunta sila ng Manila,” kuwento ni Nyhl Sañacedlab. “Pero isasama pa rin naman ako kasi iyak ako nang iyak.”

Image capture from Facebook

May mga nagbabaon din daw ng sachet nito sa paaralan at pinapapak kapag recess o pasimpleng itinataktak sa bibig kapag nagugutom sa gitna ng klase. Ang iba naman ay pinapapak daw ito habang binababaybay ang daang papasok at pauwi.