Nostalgia: ‘Nagpapaulan’ ka rin ba ng bulak noong ikaw ay bata pa?

Image via Batang Pinoy-Ngayon at Noon | Facebook
  • Isa ang kapok sa mga nagpapasaya noon sa mga bata
  • Tuwing makakukuha ng bunga sa puno na ito, nakakakuha na rin ng nag-uumapaw na saya ang mga paslit 
  • Sa post ng Facebook page na Batang Pinoy-Ngayon at Noon, binalikan ng marami ang mga panahong sapat na sa kanila ang “pagpapaulan” ng bulak mula sa mga bunga nito

Hindi mahirap pasayahin ang mga bata noon; maging ang simpleng puno, halaman, o bunga ay nakapagbibigay sa kanila ng labis na tuwa. Isa sa mga ito ang bunga ng puno ng kapok.

Image capture from Facebook

Sa tuwing makakakuha ng bunga mula sa puno na ito ay nakakakuha na rin ng nag-uumapaw na saya ang mga paslit. Ito kasi ang gamit nila para “magpaulan” ng bulak na naghahatid sa kanila ng “magical feeling” dahil sa napakagandang tanawing nililikha nito. Ang iba naman, tumutulong na sa paggawa ng unan.

Sa post ng Facebook page na Batang Pinoy-Ngayon at Noon, binalikan ng marami ang mga panahong sapat na sa kanila ang tuwang hatid ng mga bunga ng puno ng kapok.

“Nakaka-miss mga punong na ganiyan. Noong bata ako, ang daming ganiyan dito sa amin. Binabato pa nga namin para mahulog. Now, ni isa wala na,” pagbabahagi ni MaryJane M. Dela Cruz.

“Bulak, ang dami sa amin noon niyan. Tuwang-tuwa kami ‘pag naglalaro, kunwari may snow,” wika ni Rachelle Anne Samson-Velasco.

“Mayroon kami niyan dati. Pag-usbong na ang bulak at humahangin, lumilipad, sumasama sa hangin,” ani Catherine Joyce Remolona.

Pagbabalik-tanaw naman ni Iking Acosta, “‘Yan ang inilalagay ng lola ko sa unan namin kaya napakasarap matulog. Maraming tanim na ganiyan sa bakuran namin dati. Ang tawag namin diyan ay bulak, binibistay po namin ‘yan para matanggal ang mga buto at ginagawang palaman sa unan.”

Samantala, may iba-iba rin daw tawag dito sa iba’t ibang lugar sa loob at labas ng bansa.

Image capture from Facebook

Ngunit isa lamang ang tiyak; pare-pareho ang sayang dala nito sa mga bata, anuman ang kanilang itawag.