Nostalgia: Mga alaala ng old school Pinoy children’s party, balikan

Image capture from Facebook
  • Simple lamang daw ang old school children’s party ng mga karaniwang Pilipino
  • Hindi raw magarbo pero masaya ito dahil halos lahat ng bata sa kapitbahayan ay imbitado
  • Hindi rin daw mahalaga kung mayroon mang dalang regalo o sadyang presensya lamang ang maihahandog, basta kumpleto ang magkakalaro

Simple, maingay, matao, at higit sa lahat, masaya — ganito inilalarawan ng mga “young once” ang mga old school children’s party na kinamulatan nila noong araw.

Image capture from Facebook

Sa post ng Facebook page na Batang Pinoy-Ngayon at Noon, binalikan ng marami ang mga birthday party na nagbigay-kulay noon sa mga batang Pinoy. Hindi raw magarbo pero masaya dahil lahat ng bata sa kapitbahayan ay imbitado. Hindi rin daw mahalaga kung mayroon mang dalang regalo o sadyang presensya lamang ang maihahandog, basta kumpleto ang magkakalaro.

“Simple lang ang buhay noon,” saad ng page admin na si “Floyd”. “Pero nakakaraos at masaya pa rin.”

“Kahit wala kang dalang regalo sa may birthday, basta kamag-anak, kapitbahay, kaibigan puwedeng pumunta at maki-celebrate. Tuwang-tuwa pa ang may handa kasi maraming bata pumunta,” pagbabalik-tanaw ni Ma Theresa Fabia Fadri.

“Naalala ko tuloy ang ganiyang pagtitipon,” ani Gina Javier. “Sama-sama kaming magkakalaro sa birthday party ng isang kalaro/kababata. Masaya kami noon kahit simple celebration lang.”

“Kahit ‘di gaanong marami ang handa, basta nariyan ang lahat,” pagbabahagi ni Shirley Saragena. “At ang saya-saya, with picture taking pa. Hindi pa sikat noon ang colored, black and white lang.”

“Hindi pabonggahan ang handaan, basta may mapagsasalusaluhan, kahit anò pa man ‘yan, ay masaya na,” wika ni Felma Crizaldo Maniego.

Image capture from Facebook

Ikaw, naabutan mo rin ba ang mga ganitong klase ng selebrasyon? Simple lang din ba ang mga birthday party mo noon pero masaya ka pa rin basta kasama ang mga kapamilya at kalaro? Ibahagi sa amin ang iyong kuwento!