
- Kinaaliwan ng maraming bata noon ang mga laruang armas na nakatusok sa mga pastillas na ibinebenta ng piso isa sa tindahan
- Iba’t iba ang kulay, iba’t iba rin ang disenyo; sulit na sulit dahil may pagkain na sila, may laruan pang makokolekta
- Sa Facebook page na Batang Pinoy – Ngayon at Noon., binalikan ng mga “young once” ang ibinigay na saya ng mga laruang armas na minsan nilang ginusto, inipon, at iningatan
Natatandaan mo pa ba ang mga laruang armas na nakukuha mo noon sa tuwing bibili ka ng pastillas?

Kinaaliwan ng maraming bata noon ang mga laruang armas na nakatusok sa mga pastillas na ibinebenta ng piso isa sa tindahan. Iba’t iba ang kulay, iba’t iba rin ang disenyo. Sulit na sulit kapag binili dahil may pagkain na sila, may laruan pang makokolekta. Talaga namang malayo ang mararating ng bawat barya!
Sa Facebook page na Batang Pinoy – Ngayon at Noon, binalikan ng mga “young once” ang ibinigay na saya ng mga laruang armas na minsan nilang ginusto, inipon, at iningatan. Pagbabalik-tanaw ng admin na nagngangalang Bugoy, “Mga munting laruan na nakukuha natin na nakatusok sa pastillas na may budbod na asukal.”
Katulad niya ay napa-thr0wback na rin ang iba pang netizens na minsan ding tinangkilik ang mga ito.
“Noon!” ani Wai Por Eber. “Minsan, ‘yong butas sa laruang espadang ‘yan e pinapasok ko ‘yong isang daliri ko tapos iniimagine ko na hawak ng buong kamay ko ang espada.”
“Rare ‘yong kulay red noon,” kuwento ni Bigboss Primestar.
“Sandata ko ‘yan ‘pag may umaaway sa akin sa school, e,” pag-aalaala ni Fuzakeruna Kramnuj.

Ang ilan naman daw ay iniipon ang mga ito para magamit ng mga laruan nilang robot o sundalo. Mayroon ding mga nagsabi na ang laruan lang talaga ang habol nila rito at ipinamimigay na o itinatapon ang pagkain.