
- Magugulat ka na lamang sa pagiging malikhain ng mga bata noon; palibhasa ay hindi kasing dami ng mayroon ngayon ang maaaring paglibangan dati ng mga paslit
- Maging ang mga simpleng bagay kagaya ng balat ng kendi ay nagagawa nilang laruan; ginawa nilang pera-perahan sa tinda-tindahan, sa halip na magpabili ng play money sa mga magulang
- Sa Facebook page ng Batang Pinoy-Ngayon at Noon, binalikan ng marami ang mga panahon ng kanilang “naiibang pera-perahan”
Nitong mga nakaraan ay nauuso ang “let’s confuse kids today”. Paano nga naman ay naiiba talaga ang mga pinagkakaabalahan ng mga kabataang kabilang sa mga naunang henerasyon!

Magugulat ka na lamang talaga sa pagiging malikhain ng mga bata noon. Palibhasa ay hindi kasing dami ng mayroon ngayon ang maaaring paglibangan dati ng mga paslit, maging ang mga simpleng bagay ay nagagawa nilang laruan. Katulad na lamang ng mga balat ng kendi na ginagamit nila noon bilang pera-perahan sa tinda-tindahan, sa halip na magpabili ng play money sa mga magulang nila.
Sa Facebook page ng Batang Pinoy-Ngayon at Noon, binalikan ng marami ang mga panahon ng kanilang “naiibang pera-perahan”: ang mga balat ng kendi na kakulay ng mga totoong pera.
“Grabe ang ganito ko noon, isang bag na pera-perahan daw namin hehe,” pagbabahagi ng social media user na si Majendrie Abella-Forbes tungkol sa libangan nilang magkakaibigan noong panahon ng kanilang kabataan.
“‘Pag marami ka n’yan (balat ng kendi/pera-perahan) mayaman ka na,” pagbabalik-tanaw ni Shella Mae Labuson.
“Nakaka-miss,” sambit ni Jonalyn Du.
May mga nagbahagi rin na may balat ng kendi rin na katumbas ang mga barya o coins. Katulad na lamang daw ng balat ng kendi na Snow Bear na kung bilangin nila noon ay dalawang piso.

Kung sa bagay, sabi nga nila, walang hangganan ang imahinasyon. Sa mga ganitong laro nahahasa ang pagiging malikhain at abilidad ng mga bata noon sa mura nilang edad.