
- Viral ngayon sa Facebook ang video ng isang ‘anak’ na ganadong-ganado kumain
- Ang anak kasi na ito ay isang shih tzu na sinusubuan ng kaniyang pagkaing nasa plato at gamit pa ang kutsara
- Ayon sa uploader, ganado umanong kumain ang kaniyang ‘anak’ kahit na walang kaharap na iPad

Isa na siguro sa pinakamalaking pagsubok na hinaharap ng mga magulang sa pagpapalaki ng kanilang mga anak ay ang pagpapakain sa mga ito.
Sa murang edad kasi, mayroong ibang bata na mapili pagdating sa pagkain. Karamihan sa kanila ay ayaw ang gulay at gusto lamang ng fried chicken o hotdog.
Kaya naman iba’t ibang taktika ang ginagawa ng mga magulang para lang mapakain nila nang tama at maubos ang ulam ng kanilang mga anak.
Ang ibang mga magulang ay sinusuhulan nila ang mga anak para lang kumain, sinasabihan nila ang mga ito na bibigyan sila ng pera o ‘di kaya ay bibilhan sila ng laruan kung mauubos nila ang nakahain na pagkain.

Sa panahon ngayon, nililibang naman ng ibang mga magulang ang kanilang mga anak sa paglalaro ng gadgets tulad ng smartphone o tablet. Ito ay para masubuan nila ang mga ito nang hindi napapansin ng bata.
Ngunit para sa isang netizen na mayroong ‘anak’, sinabi niyang hindi na kailangan ng anumang gadget tulad ng iPad para lang mapakain ang kaniyang ‘anak’.
Ang anak kasi na tinutukoy ng netizen ay isang shih tzu na breed ng aso na sobrang cute dahil sa hitsura nito at balahibo.

Sa video sa Facebook na mayroon na ngayong halos 1.3 million views, ipinakita ng FB page na Jack and the Balbons ang isang shih tzu habang ito ay ganadong kumakain.
Ang video na ito ay nilagyan ng caption na: Flex ko lang yung anak ko na kahit walang ipad na kaharap ganado pa rin kumain. Napakabait na bata kahit na pagalitan mo hindi yan sumasagot, tumatahol lang.
Tuwang-tuwa naman ang mga netizens sa video ng nasabing shih tzu habang ito ay ganadong kumakain. Sana raw ay ganiyan kumain ang mga bata kahit walang hawak na gadget.