
- Naging trending sa social media ang “neon balls” o ang pinakabagong tawag ng isang Atenista sa kwek-kwek
- Nagsimula itong kumalat dahil sa Facebook post na ibinahagi ng ADMU Freedom Wall
- Umani na rin ito ng iba’t ibang nakatutuwang reaksyon mula sa netizens
Isa sa pinaka-paboritong street food ng mga Pinoy ang kwek-kwek dahil bukod sa masarap, pasok din ito sa ating budget. Sa katunayan, patok na patok nga ito tuwing meryenda lalo na sa mga estudyante kaya madalas itinitinda sa paligid ng eskwelahan o palengke.
Pero minsan, sumagi rin ba sa isip ninyo kung may katumbas na English word ang kwek-kwek? Egg waffles ba? Egg fritter? Egg balls? O ‘di kaya, sabi nga ng isang Atenista… “neon balls”?

Usap-usapan ngayon sa social media ang salitang “neon balls” dahil sa post ng ADMU Freedom Wall nitong ika-29 ng Enero 2020. Nakasaad kasi sa ipinadalang mensahe ng Atenista na nami-miss niya na raw kumain ng street food — partikular ang kalamares at kwek-kwek na tinawag niyang “neon balls”.
“High key miss the street food in front of Starbucks. I need my calamares and neon balls,” sabi sa post.
Dahil sa kakaibang tawag, agad na umani ng samu’t-saring reaksyon ang post na ito. Ang iba ay natawa habang ang ilan naman ay tila nagtaka kung bakit ito ang naisipang itawag sa kwek-kwek.
“I think you should get those checked out bro. They ain’t supposed to glow!!!” pabirong sabi ni Carlos Miguel Yap.
Napuno rin ng iba’t-ibang litrato, memes, at GIF ang comments section ng post at kanya-kanya na ring tag ang mga netizens sa kanilang mga kaibigan.

Pero bago ang “neon balls”, tinawag na ring “orange ball”, “egg waffle”, “queggs”, at iba pa ang kwek-kwek. Komento tuloy ng isa pang netizen: “Bye fried orange ball, hello to neon ball.”
Ikaw, anong masasabi mo tungkol dito? May sarili ka rin bang English version ng kwek-kwek? I-share mo ‘yan sa amin!